Home NATIONWIDE ‘Q fever’ cases sa Marinduque pinatatalupan ng DA

‘Q fever’ cases sa Marinduque pinatatalupan ng DA

MANILA, Philippines- Bumuo ang Department of Agriculture (DA) ng special fact-finding committee upang imbestigahan ang pagsulpot ng Q Fever disease sa bayan ng Santa Cruz sa lalawigan ng Marinduque.

Sa Special Order No. 867 na may petsang Hunyo 19, sinabi ng DA na bubusisiin ng panel ang lahat ng “facts and circumstances” hinggil sa “alleged violations and irregularities” na isinagawa ng mga opisyal at empleyado ng Bureau of Animal Industry (BAI) kaugnay ng “importation and failure to contain goats infected with Q fever disease” sa lugar.

Dulot ang infectious disease, ayon sa webpage ng European Centre for Disease Prevention and Control, ng bacteria na tinatawag na Coxiella burnetii na nakaaapekto sa mga tao at mga hayop.

Dagdag nito, maaaring masapul ng sakit mula sa infected animal sa pamamagitan ng kontaminadong gatas o paghawak ng fetus, placenta, o fluids mula sa infected animal na nanganak.

Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye ang opisina ni Agriculture Assistant Secretary Paz Benavidez II, mamumuno sa komite, dahil katatanggap lamang nito ng kopya ng special order.

Naitala ng Pilipinas ang unang kaso ng Q fever, ayon sa BAI nitong Biyernes.

Nagdudulot ang sakit sa mga tao ng panginginig, lagnat, at muscle pain, at kapag hindi ito nagamot, maaari itong magresulta sa komplikasyon sa atay o puso. RNT/SA