MANILA, Philippines – Isang grupo ng mga tagasuporta ng dating Duterte administration at ni Vice President Sara Duterte ang naglunsad ng Reform Alliance for Good Governance (RAGE) Coalition nitong Linggo, Abril 12 sa Club Filipino sa San Juan City.
Pinangunahan ito ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, na nagsabing ang koalisyon ay binubuo ng iba’t ibang sektor na nagkakaisa umano sa layuning ipaglaban ang katotohanan, good governance, at pananagutan.
Kasunod ito ng pagkakatalaga kay Mayor Duterte bilang bagong presidente ng Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban).
Dumalo rin sa pagtitipon sina Sen. Robinhood “Robin” Padilla at Sen. Christopher “Bong” Go, pati na sina dating kongresista Mike Defensor, Batangas Rep. Leandro Legarda Leviste, dating House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez, at dating executive secretary Vic Rodriguez.
Ang paglulunsad ng RAGE Coalition ay isinagawa bago ang nakatakdang impeachment hearing sa House Committee on Justice sa Abril 14, kung saan inaasahang haharap si Ramil Madriaga, na umaming dating “bagman” umano ni VP Sara Duterte.
Nauna nang naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang kampo ni VP Sara upang ipatigil ang impeachment proceedings, ngunit wala pang inilalabas na desisyon o TRO ang SC.
Dahil dito, tuloy ang impeachment proceedings sa Kamara.
Samantala, naglabas ng pahayag si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa bilang suporta sa pagbuo ng koalisyon.
“Hindi tayo papayag na gamitin ang politika para patahimikin ang mga lider na tunay na naglilingkod sa bayan…,” bahagi ng kanyang pahayag.
Sa kanyang talumpati, binatikos ni Mayor Duterte ang administrasyong Marcos kaugnay ng umano’y oil crisis at isyu ng korapsyon at droga.
Ipinahayag din niya ang suporta sa planong pagtakbo bilang pangulo ni VP Sara Duterte sa 2028.
“Sinabi niya siya ay tatakbong presidente, (kaya) kumilos na tayong lahat!” aniya.
Nanawagan din siya ng pagkakaisa at mas organisadong pagkilos ng kanilang hanay habang papalapit ang mga susunod na halalan. RNT/MND (larawan ni Val Leonardo)







