MANILA, Philippines – Inisponsoran sa Senado ang resolusyong sumasang-ayon sa ratipikasyon ng Convention on Nuclear Safety, na layong palakasin ang proteksyon at paghahanda ng bansa sakaling magkaroon ng nuclear o radiological emergency.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan at pinuri ng is96ang senador ang Tagapangulo ng Committee on Foreign Relations na si Senador Migz Zubiri sa pangunguna sa mahalagang panukala at sa pagdadala nito sa plenaryo.
Ayon sa kanya, sumailalim ang kasunduan sa masusing deliberasyon, kabilang ang mga technical briefing at dalawang pagdinig ng komite kung saan sinuri ang mga probisyon nito at ang magiging epekto sa Pilipinas.
“Ang naging malinaw sa mga talakayan ay ito: ang layunin ng Convention na ito ay proteksyon at paghahanda,” pahayag niya.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang Convention ang pinaka-diretso sa mga kasunduang nuclear na maaaring tanggapin ng Pilipinas, dahil marami na tayong nagawa sa loob ng bansa.
Noong Setyembre 18, 2025, naisabatas ang Republic Act No. 12305 o ang “Philippine National Nuclear Energy Safety Act.” Aniya, sumasalamin na ang batas na ito sa mga pangunahing prinsipyo ng kaligtasan na isinusulong ng Convention.
“Kaya naman sa pagratipika natin sa kasunduang ito, naiaayon natin ang ating mga pangakong internasyonal sa safety framework na naitatag na natin sa ilalim ng batas ng Pilipinas,” dagdag niya.
Binanggit ng senador ang dalawang konkretong obligasyon na dala ng Conventon na direktang magpapalakas sa proteksyon ng bansa.
Una, pinapalakas nito ang paghahanda sa emerhensiya at kooperasyon sa ibang bansa sakaling magkaroon ng nuclear o radiological incident. Mahalaga ito kahit wala pang nuclear power plant ang Pilipinas, dahil maaaring makaapekto ang ganitong sakuna kahit sa labas ng ating hangganan.
Pangalawa, hinihingi ng Convention ang pagkakaroon ng epektibo at independiyenteng regulatory authority. Sa ilalim ng Article 8, dapat hiwalay ang regulatory body mula sa mga ahensyang nagtataguyod o gumagamit ng nuclear energy, at dapat itong may sapat na awtoridad, kakayahan, at resources.
Gayunpaman, binigyang-diin ng senador na walang silbi ang mga batas kung walang institusyong magpapatupad nito.
“Dito ako napupunta sa isang mahalagang bagay. Dapat na agarang mapunan ang bakanteng posisyon ng Director General ng PhilATOM,” aniya.
Paliwanag niya, hindi makakabuo ng tiwala ng publiko, hindi maipapatupad nang maayos ang safety framework, at hindi rin makikilahok nang tama sa mga global peer review kung walang namumuno sa pambansang regulatory body.
“Ginoong Pangulo, tinatanggap natin ang mga oportunidad na dala ng nuclear technology, pero hindi tayo dapat mamili sa pagitan ng kaunlaran at kaligtasan,” pagtatapos ng senador. Ernie Reyes