Home NATIONWIDE Reciprocal Access Agreement tinintahan ng PH, Japan

Reciprocal Access Agreement tinintahan ng PH, Japan

MANILA, Philippines – KAPUWA nilagdaan ng Pilipinas at Japan, araw ng Lunes, Hulyo 8 ang Reciprocal Access Agreement (RAA), naglalayong itaas ang defense cooperation sa pagitan ng dalawang bansa sa gitna ng tumitinding tensyon sa South China Sea.

Sa katunayan, kasama ang mga mahahalagang opisyal ng pamahalaan, sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglagda sa kasunduan sa Heroes’ Hall, sa Palasyo ng Malakanyang.

Ang paglagda ay matapos ang courtesy call ni Japanese Foreign Minister Kamikawa Yoko at Defense Minister Kihara Minoru kay Pangulong Marcos.

Matatandaang, idinaos ang unang pormal na negosasyon sa RAA sa Tokyo noong Nobyembre ng nakaraang taon. Pinangunahan ito ng Department of National Defense (DND) kasama ang ibang delegasyon mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ).

“A virtual line-by-line reading of the RAA main text, the Agreed Minutes, and two records of discussions were held on June 11,” ayon naman sa Presidential Communications Office (PCO).

Nauna rito, pahihintulutan ng kasunduan ang mas maraming Japanese forces na sumali sa join annual military exercises kasama ang Pilipinas at Estados Unidos, kabilang ang “Balikatan” exercises.

Papayagan din ng kasunduan ang Japanese forces na magbigay ng humanitarian assistance sa Pilipinas kung kinakailangan.

Sa kabilang dako, nananatiling kailangan pa rin ng bagong nilagdaang kasunduan ang ratipikasyon ng Senado at National Legislature ng Japan bago pa ito maging epektibo.

Sinasabing, lantad ang Japan sa paghahayag na naaalarma ito sa pagtaas ng tensyon sa South China Sea, sinasabing ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon ay isang international concern.

Bukod sa China at Pilipinas kabilang din ang Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan ang umaangkin sa South China Sea.

Sina Foreign Minister Kamikawa at Defense Minister Kihara ay nasa Pilipinas para sa 2nd Foreign and Defense Ministerial Meeting (2+2), kinokonsidera bilang ‘highest consultative mechanism’ na naglalayong palalimin ang security at defense policy coordination sa pagitan ng Maynila at Tokyo.

Ang RAA ay kahalintulad ng Visiting Forces Agreement (VFA) na mayroon ang Pilipinas sa Estados Unidos.

Subalit, nilinaw ni Pangulong Marcos, na ang RAA ay “not the same” gaya ng VFA sa Estados Unidos pagdating sa usapin ng kustodiya ng ‘erring Japanese servicemen’ sa lupa ng Pilipinas. Kris Jose