MANILA, Philippines – “Panahon na para sama-sama nating i-knockout ang gutom at kahirapan.”
Ito ang hamon ni Executive Secretary Ralph G. Recto kay National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary at Lead Convenor Emmanuel “Manny” D. Pacquiao sa kanilang pulong sa Malakanyang, araw ng Huwebes, Oktubre 1.
Tinalakay nina Recto at Pacquiao ang mga susunod na hakbang upang mas palakasin at pag-ugnayin ang mga programa ng pamahalaan laban sa kahirapan, lalo na ang mga direktang tumutugon sa pangangailangan ng mahihirap na pamilya.
Target ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maibaba sa 9% ang poverty incidence sa bansa pagsapit ng 2028.
Ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ang poverty incidence sa 9.7% noong 2025 mula 15.5% noong 2023.
Katumbas pa rin ito ng humigit-kumulang 11 milyong Pilipinong nabubuhay sa kahirapan, kaya iginiit ni Recto ang pangangailangang ipagpatuloy at pabilisin ang mga programang direktang nakatutulong sa kanila.
Binigyang-diin sa pulong ang mas mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya upang matiyak na ang mga programa laban sa kahirapan ay hindi magkakahiwalay, kundi nagtutulungan at nakatuon sa mga komunidad at sektor na higit na nangangailangan.
Ang NAPC ang pangunahing coordinating at advisory body ng pamahalaan para sa social reform at poverty alleviation.
May personal at makasaysayang koneksyon din si Recto sa NAPC. Bilang mambabatas, kabilang sa mahahalagang batas na kanyang itinaguyod ang Social Reform and Poverty Alleviation Act (Republic Act No. 8425), na lumikha sa NAPC at nilagdaan bilang batas noong Disyembre 11, 1997.
Masayang binalikan ni Recto na nilagdaan ang batas sa mismong wedding anniversary nila ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto, isang personal na petsa na naging bahagi rin ng mahalagang yugto sa kampanya ng pamahalaan laban sa kahirapan.
Ngayon, halos tatlong dekada matapos maisabatas ang RA 8425, muling nakatuon ang NAPC sa parehong laban, ngunit may malinaw na target: ibaba sa 9% ang kahirapan pagsapit ng 2028. KRIS JOSE