MANILA, Philippines – TINIYAK ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang Department of Budget and Management (DBM), sa Senate Committee on Finance na gagawin nitong regular ang 4,000 hanggang 5,000 contractual employees bago pa matapos ang taon.
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa panel na ang mga contractual employees na gagawing regular ay nagsisilbi lahat sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
“Meron pa kaming submissions, yung mga other social workers in the entire department that are not 4Ps,” ayon sa Kalihim.
Sa nakaraang budget hearing, sinabi ni Senator Raffy Tulfo na ang DSWD ay mayroong mahigit sa 6,000 contracts of service (COS) at job order (JO) employees na nagtatrabaho sa ahensiya ng mahigit sa dekada na.
Siniguro rin ni DBM Assistant Secretary Leonido Pulido III sa panel na maaaring rin silang magtrabaho sa isinumiteng three-year plan ng DSWD.
“Hopefully by this year Madam chair, we’re looking at 4,000 to 5,000. We’re coordinating with the DSWD through the Office of Secretary,” ang sinabi ni Pulido.
“We’re quite confident na kaya naman pong habulin,” aniya pa rin.
Tinuran pa ni Pulido na kaya nilang i- convert ang 6,135 COS employees sa contractual employees simula nang maupo sa puwesto bilang Kalihim si Gatchalian.
Samantala, ang DSWD, sa pamamagitan ng attached agencies nito ay nagpanukala na gumugol ng P229.8 billion sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program. Kris Jose