MANILA, Philippines – Nakipagtulungan ang Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) sa Department of Migrant Workers (DMW) para palawakin ang nationwide reintegration services para sa mga pabalik na overseas Filipino teachers sa National Reintegration Network (NRN) Regional Fair na ginanap sa Leyte National High School noong Miyerkules.
Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, layunin ng kanilang inisyatiba, katuwang ang DepEd program na “Balik Turo: A Hero’s Journey Home,” na suportahan ang mga displaced na guro mula sa abroad.
“Ang layunin ng ating mga inisyatiba ay hindi lamang ang pagbabalik ng ating mga manggagawa, kundi ang pagbibigay sa kanila ng malinaw na landas tungo sa panibagong simula,” aniya.
Layunin ng programa na palakasin ang livelihood opportunities ng returning OFWs, lalo na sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
May programa rin ang CHED na Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP), kung saan maaaring makakuha ng degree ang working professionals, kabilang ang OFWs, base sa kanilang work experience at skills.
Nakipag-ugnayan din ang CHED sa DMW at Department of Labor and Employment para sa ETEEAP Online Enlistment System upang mapabilis ang aplikasyon.
Ayon sa CHED, umabot na sa 3,343 ang graduates ng ETEEAP hanggang Marso, kabilang ang 333 OFWs at 3,010 local completers.
Pinag-aaralan din ng CHED ang pakikipagtulungan sa Overseas Workers Welfare Administration para madagdagan ang tulong sa mga repatriated OFWs sa ilalim ng ETEEAP.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, makatutulong ang pagpapalawak ng reintegration services para makapasok muli ang mga guro sa public school system.
“Ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos ay tiyaking may naghihintay na maayos na trabaho para sa ating mga gurong nagbabalik-bayan upang hindi na nila kailangang muling mawalay sa kanilang mga pamilya,” aniya.
Mula noong 2014, umabot na sa 11,056 OFW teachers ang na-reintegrate sa DepEd sa ilalim ng Sa ‘Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir (SPIMS) Program.
Sa NRN Regional Fair, nagbibigay din ang DepEd ng iba’t ibang serbisyo tulad ng SPIMS Help Desk, on-site registration para sa Accreditation and Equivalency tests, at suporta sa edukasyon ng pamilya ng OFWs gaya ng Senior High School voucher program.
Nag-aalok din ang DepEd ng scholarships, board exam review classes, at tulong sa professional licensing fees sa mga guro.
Mahigit 5,000 OFWs at kanilang pamilya mula sa high-risk areas sa Middle East ang kamakailang na-repatriate. Santi Celario