MANILA, Philippines – Isusumite ng Philippine General Hospital (PGH) sa Sandiganbayan alas-5 ng hapon nitong Linggo ang rekomendasyon kung kailangan pa bang manatili sa ospital si dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, tatapusin muna ng grupo ng mga espesyalista ang mga medical test kay Romualdez at pag-uusapan ang mga resulta bago ilabas ang rekomendasyon.
Inilipat si Romualdez sa PGH mula sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City nitong Sabado para sa independent medical assessment.
Layunin ng pagsusuri na matukoy kung kailangan pa niyang manatili sa ospital o maaari nang dalhin sa Quezon City Jail.
Naaresto si Romualdez noong Lunes sa Cardinal Santos Medical Center, kasabay ng pagsasampa ng Office of the Ombudsman ng P7.4-bilyong plunder case laban sa kanya at tatlo pang indibidwal kaugnay ng umano’y kickback scheme sa mga flood control project.
Tiniyak naman ng PGH na magiging patas at propesyonal ang pagsusuri sa dating House Speaker.
“Mananatiling obhetibo at propesyonal ang PGH sa pagsasagawa ng pagsusuri, alinsunod sa pinakamataas na pamantayan sa larangan ng medisina,” aniya. RNT/MDS