Home NATIONWIDE Rekomendasyong palayain si Tony Yang tinabla ng BI commissioner

Rekomendasyong palayain si Tony Yang tinabla ng BI commissioner

(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – MISMONG si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang pumigil sa isang rekomendasyong magpalaya sa pamamagitan ng piyansa kay Tony Yang, isang Chinese national na nakakulong sa BI detention facility dahil sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) operations.

Sa kanyang pahayag nitong Martes, Hunyo 10, sinabi ni Viado na ang resolusyon para payagang makapagpiyansa si Yang ay ipinasok habang siya ay wala sa bansa. Pagbalik niya, agad niya itong ibinasura at iniutos na manatiling nakakulong si Yang.

Tinawag ni Viado ang insidente bilang isang “hayagang tangkang ilusot ang resolusyon,” at iginiit na hindi siya papayag sa anumang kompromiso sa ganitong mga usapin.

Bagama’t tumanggi si Viado na pangalanan kung sino ang nasa likod ng rekomendasyon, kinumpirma ng mga dokumentong nakuha ng mga mamamahayag na si Gilberto U. Repizo, chairman ng BI Board of Special Inquiry (BSI), ang siyang lumagda sa rekomendasyon para bigyan ng pansamantalang kalayaan si Yang.

Ang BSI ay karaniwang humahawak ng mga sensitibo at komplikadong kaso sa loob ng BI, ngunit nananatiling nasa kamay ng Commissioner ang pinal na kapangyarihan kung palalayain o hindi ang isang detainee.

Ayon pa kay Viado, may mga sumunod pang hiling para muling ikonsidera ang kanyang desisyon, pero nanindigan siyang hindi dapat palayain si Yang.

“Totoong tinanggihan ko ang pakiusap na palayain si Yang sa piyansa. Mananatili siyang nakakulong,” giit niya.

Si Tony Yang ay kapatid ni Michael Yang, ang dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang kaso ni Yang ay umani ng pansin lalo na’t inuugnay ito sa malawakang operasyon ng POGO, transnational crime, at umano’y katiwalian sa ilang law enforcement agencies.

Sinabi rin ni Viado na agad niyang ipinagbigay-alam ang insidente sa Department of Justice, at batid na umano ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang buong detalye ng nangyari. JAY Reyes