MANILA, Philippines – Pumalo sa historic high ang mga salaping ipinadadala ng overseas Filipinos noong Disyembre 2024, matapos ang six-month low na naitala sa mga nakalipas na buwan.
Sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas nitong Lunes, Pebrero 17, ang cash remittances o money transfers sa pamamagitan ng mga banko o formal channels sa naturang buwan ay nasa $3.380 billion, mas mataas mula sa $2.808 billion sa nakalipas na buwan, at $3.280 billion sa kaparehong buwan noong 2023.
Tumaas sa $34.493 bilyon ang year-to-date cash remittances, o mas mataas ng 3.0% mula sa $33.491 billion sa comparable period noong 2023.
“The growth in cash remittances from the United States, Saudi Arabia, Singapore, and the United Arab Emirates (UAE) mainly contributed to the increase in remittances in 2024,” ayon sa BSP.
Binubuo ng Estados Unidos ang 40.6% ng cash remittances, sinundan ng Singapore sa 7.2%, at Saudi Arabia sa 6.4%.
Sinundan ito ng Japan sa 4.9%, United Kingdom sa 4.7%, United Arab Emirates sa 4.4%, Canada sa 3.6%, Qatar sa 2.8%, Taiwan sa 2.7%, at South Korea sa 2.5%.
Samantala, ang personal remittances o halaga ng transfer na ipinadala sa cash o in-kind sa pamamagitan ng informal channels ay nasa $3.733 billion, mas mataas mula sa $3.121 billion noong Nobyembre at $3.625 billion noong Disyembre 2023.
“The increase was observed in remittances from both land-based and sea-based workers,” anang BSP.
Ang full-year personal remittances ay naitala sa $38.341 billion, sumasalamin sa 3.0% increase mula sa $37.210 billion noong 2023. RNT/JGC