MANILA, Philippines – Kinilala si Parañaque City 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan bilang isa sa mga best performing at most trusted district representatives sa 2026 Gawad Pilipino–Media People’s Choice Awards.
Batay sa inilabas na press release, nakakuha si Yamsuan ng 91.4% trust rating sa Sigaw ng Bayan survey na ginamit na batayan ng naturang pagkilala.
Inialay ng kongresista ang parangal sa mga residente ng Parañaque at nangakong patuloy na palalakasin ang mga programang naglalayong makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
“Natututuwa ako sa parangal na binigay sa atin ng Media People’s Choice Awards sa pagkilala sa mga ginagawa natin sa distrito. Mas lalo tayong magsisipag para maibigay natin sa ating mga kababayan ang tamang serbisyo,” ani Yamsuan.
Kabilang sa mga programang binanggit ng kanyang tanggapan ang mga medical mission, Botika on Wheels at PADALA na nakatuon sa serbisyong pangkalusugan.
Isinusulong din niya ang mga programang Bigay Negosyo, Dagdag-Puhunan at Jobs and Upskilling for the Modern Pinoy (JUMP) upang magbigay ng oportunidad sa trabaho at kabuhayan.
Para naman sa edukasyon, kabilang sa kanyang mga inisyatiba ang BAON, Tablet for Students at Tulong Dunong Program.
Sa Kamara, kabilang sa mga panukalang inihain ni Yamsuan ang pagbibigay ng libreng taunang medical checkup sa mga Pilipino at pagpapalawak ng oportunidad sa trabaho para sa senior citizens at persons with disabilities.
Ayon kay Yamsuan, magsisilbing inspirasyon ang pagkilala upang ipagpatuloy ang kanyang mga programa sa ilalim ng Health, Opportunities, Peace and Order, and Education (H.O.P.E.) agenda. RNT