Home OPINION RESPETO KAY VP INDAY

RESPETO KAY VP INDAY

ANOMAN ang nasa likod nang pagre-resign ni Vice President Sara Duterte sa dalawa pa niyang posisyon bilang co-Vice Chairperson ng NTF-ELCAC at Secretary of the Department of Education, ay hayaan na lang muna natin, at bigyan respeto ang ‘Ale’.

Dangan kasi, agad-agad nagsisakay ang mga mapanuring mga kritiko o’ sabihin na nating mga taong gigil na gigil kay VP Inday. Nagngangawa agad, mabuti raw ito, dapat lamang daw ang ginawa nitong Ale. At ang iba ay nagsabi pang dapat ay nagresign na rin si VP Inday bilang Bise Presidente.

Sobra naman sila! Yun ngang mismong National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na siyang kinabibilangan ni VP Inday ay kinilala ang kanyang pagbibitiw ay ginalang at nirespeto ang kanyang desisyon.

Hindi naman matatawaran talaga ang ibinuhos na pagod, oras at kaalaman ni VP Inday sa dalawa pa niyang posisyon. Lalo na bilang DepEd Secretary.

Ipinakita niya ang kanyang todo-sakripisyong paglilingkod upang maisulong ang mga pagbabago sa DepEd at maging sa NTF-ELCAC.

Ang pagiging co-Vice Chairperson ni VP Duterte sa NTF-ELCAC na lang halimbawa, ay nagbunga ng ibayong kaganapan upang makamit ang kapayapaan sa mga lugar na kinubkob ng mga komunistang-terorista. At pinangunahan ni VP Inday ang pagpo-promote ng kapayapaan sa mga lugar na nabawi na sa kuko ng mga New People’s Army na kinakailangang mapanatili ang kapayapaang nakamtan.

Hindi rin matatawaran ang ipinakitang dedikasyon ng Bise Presidente sa paglilingkod sa DepEd. Ang kanyang pamumuno sa kagawaran ay pinagdiinan ang kahalagahan ng edukasyon sa bansa at mabisang panlaban sa insureksyon.

Bilang kalihim ng DepEd, pinangunahan niya na mapaunlad pa ang kalidad ng edukasyon at maging ‘accessible’ ito sa lahat upang maiwasan ang mga kaguluhan sa mga kanayunan.

Dito nagpapasalamat ang NTF-ELCAC dahil ipinakita ni VP Inday ang tunay na pagmamalasakit sa ating mga kabataan na ating hinuhulma sa kanilang pag-aaral.

“We wish her success in her future endeavors and are confident that she will continue to serve the Filipino people with the same passion and dedication,” ang pahayag nga ng NTF-ELCAC sa pamumuno ni Usec. Ernesto Torres Jr. bilang Executive Director nito.