Home HOME BANNER STORY Responsableng paggamit, ligtas na pag-tatago ng baril, ipinanawagan ng PNP

Responsableng paggamit, ligtas na pag-tatago ng baril, ipinanawagan ng PNP

1
0

MANILA, Philippines – Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang mga may-ari ng baril na maging responsable sa paggamit at ligtas na pag-iimbak ng mga ito kasunod ng tatlong insidente ng pamamaril sa mga paaralan nitong mga nakaraang buwan.

Kabilang sa mga insidente ang pamamaril sa Tacloban City, Zamboanga City at South Cotabato, kung saan nakakuha ng baril ang mga estudyante na pag-aari ng kanilang mga magulang o kamag-anak na nagtatrabaho sa gobyerno.

Dahil dito, inilunsad ng PNP Civil Security Group ang nationwide “Gun Safety Advocacy Campaign” para itaguyod ang responsableng pagmamay-ari, tamang pag-iimbak at ligtas na paghawak ng baril, pati na ang pagpigil sa hindi awtorisadong paggamit nito.

“Recent firearm-related incidents involving minors remind us that gun safety cannot be taken for granted,” ani PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr.

Inatasan din ang mga regional at local police unit na palakasin ang information campaign, habang magsasagawa ang Civil Security Group ng gun safety seminars at pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder.

“Owning a firearm comes with a continuing duty to keep it safe and secure,” ani Nartatez.

Samantala, naghain si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ng House Resolution No. 1468 para sa nationwide safety audit, inspeksyon at imbentaryo ng lahat ng baril na inilabas, pagmamay-ari o hawak ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.

Layunin umano nito na maiwasang mapunta sa maling kamay ang mga baril, mapanagot ang mga pabaya at masuri ang mga polisiya ng gobyerno sa pagmamay-ari ng armas.

Legal ang pagmamay-ari ng baril sa Pilipinas, ngunit kinakailangan itong may kaukulang lisensya at rehistro.

Sa Tacloban City, tatlong estudyante ang nasawi sa pamamaril noong Hunyo 22. Dalawa naman ang namatay sa Ateneo de Zamboanga noong Agosto 18. Sa pinakahuling insidente sa Banga, South Cotabato noong Setyembre 18, tatlo ang nasawi at anim ang nasugatan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here