Home METRO Retiradong pulis patay sa 6 carnapper

Retiradong pulis patay sa 6 carnapper

170
0

BATANGAS- NAKABALOT ng plastic ang ulo nang matagpuan ang bangkay ng isang retiradong pulis matapos pagbabarilin ng 6 na carnapper na nagpanggap na kustomer, iniulat kahapon, Oktubre 3 sa bayan ng Tanauan.

Kinilala ang biktimang si retired PEMS. Arnel Tobes, 48, residente ng Sitio Hapitin, Barangay Janopol Oriental, Tanauan Batangas.

Naka-hospital arrest naman ang isa sa mga suspek na si alyas Rudy, habang nakakulong naman sa lock-up facility ng Tanauan Batangas Police Station, ang isang nagngangalang Noli, taga Barangay Baclaran, Cabuyao, Laguna na umano’y pinagbentahan ng sasakyan ng biktima.

Kwento ng misis ng biktima na si Marites, noong Enero 2024, boluntaryong nagretiro sa serbisyo ang kanyang mister (biktima) at nagtayo ng sariling negosyo na Tobes rent-a-car.

Ayon Lt Col. Virgilio Jopia, hepe ng Tanauan police, bago ang krimen, tumawag ang isang alyas Jason na taga Barangay Sala, Tanauan, para arkilahin ang SUV ng biktima at siya mismo ang magmamaneho patungong Quezon.

Sinundo ng biktima ang mga suspek, subalit nakaligtaan nito ang kanyang sunglass kaya dumaan pa ito sa kanilang bahay.

Makalipas ang ilang oras, tinawagan ng misis ang kanyang mister subalit bigla na lamang siyang kinabahan dahil duda siyang ibang tao ang sumasagot sa cellphone nito.

Kinabukasan, ilang metro ang layo sa bahay ng biktima, natagpuan ang bangkay nito na nakabalot ng plastic ang ulo, nakatali ang mga kamay at paa saka may mga tama ng bala sa iba’t ibang parteng katawan.

Agad naman nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya at natunton ang bahay ni Jayson subalit misis na lamang nito ang naabutan na siyang nagturo sa posibleng kasabwat ng kanyang mister.

Natunton ang bahay ni Nilo at nakita sa garahe nito ang sasakyan ng biktima subalit pinalitan na ito ng plate number.

Sunod naman namataan si Rudy na sa halip sumuko ay nakipagpalitan pa ito ng putok sa mga pulis dahilan para tamaan ito sa katawan.

Nakuha sa suspek ang .45 kalibre na baril at agad na dinala sa ospital para lapatan ng lunas.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang manhunt operation ng pulisya para matunton ang iba pang kasabwat ng mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong carnapping at murder. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here