MANILA, Philippines – Patay ang isang motorcycle rider at ang kanyang lalaking pasahero matapos masagasaan ng dump truck sa Pasig City.
Sa isang dashcam video, nakitang huminto ang isang sports utility vehicle (SUV) sa extension ng Ortigas Avenue sa harap ng isang bangko na naghahanda para pumarada.
Ayon sa traffic investigator, bumangga ang motorsiklo sa likurang bahagi ng SUV.
Dahil sa impact ng pagkakabangga, tumilapon at nasagasaan ng truck ang rider ng motorsiklo at ang kanyang pasahero.
“Nawalan siya ng kontrol tapos parating yung truck, saka niya nabangga ‘tong motor na nag-slide sa tagiliran niya,” ani Police Staff Sergeant Zosimo Calda.
“Mga 15 [killometers per hour] lang yung takbo ko. Yung motor bumangga sa kotse na nakaparada. Lumipad, pumunta sa akin. Nakapreno ako sir, nasa ilalam na siya,” ayon sa truck driver.
Nasa kustodiya ng Pasig City Police ang driver ng truck. Mahaharap siya sa kasong reckless driving resulting in multiple homicides.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may pananagutan din ang driver ng SUV. Santi Celario