Home NATIONWIDE Risa naghain ng panukalang parusa sa karahasan vs kababaihan sa pulitika

Risa naghain ng panukalang parusa sa karahasan vs kababaihan sa pulitika

1
0

MANILA, Philippines – Naghain si Sen. Risa Hontiveros ng panukalang batas na magbibigay ng mas malinaw na proteksyon at parusa laban sa karahasang nakatuon sa kababaihang lumalahok sa pulitika at pampublikong serbisyo.

Sa panukalang An Act Defining and Penalizing Violence Against Women in Politics, Providing Protective Measures Therefor, sinabi ni Hontiveros na mahalagang bahagi ng isang inklusibo at representatibong demokrasya ang malaya at ligtas na partisipasyon ng kababaihan sa pulitika.

Gayunman, sinabi ng senadora na nananatiling kulang ang representasyon ng kababaihan sa pamahalaan sa kabila ng mga naabot ng women’s movement sa bansa.

Ayon sa datos na binanggit sa kanyang explanatory note, 90 lamang sa 318 miyembro ng House of Representatives o 28.3 porsiyento ang babae, habang lima sa 24 na senador o 20.8 porsiyento ang kababaihan.

Giit ni Hontiveros, hindi lamang kakulangan sa representasyon ang kinakaharap ng kababaihan kundi iba’t ibang anyo rin ng karahasan dahil sa kanilang paglahok sa pulitika.

Saklaw ng panukala ang mga kandidato, halal at itinalagang opisyal, miyembro ng political parties, campaign volunteers at advocates na nakararanas ng karahasang may kaugnayan sa kanilang kasarian at political participation.

Kabilang dito ang economic, institutional, physical, psychological at sexual violence, gayundin ang technology-facilitated abuse.

Partikular na tinukoy ni Hontiveros ang lumalalang harassment sa digital platforms, kabilang ang mga banta ng pisikal at sekswal na karahasan, gendered disinformation, AI-generated sexual images at iba pang online attacks na ginagamit umano upang takutin, patahimikin o siraan ang mga babaeng nasa pulitika.

Tinutukoy rin ng Senate Economic Planning Office ang technology-facilitated gender-based violence—kabilang ang cyberstalking, doxxing, deepfakes at gendered disinformation—bilang isa sa mga anyo ng violence against women in politics.

Ayon kay Hontiveros, maaaring humadlang ang ganitong mga pag-atake sa mga kababaihang nais tumakbo sa puwesto, lumahok sa political debate o manungkulan sa gobyerno.

“Kapag naitulak palabas ang kababaihan sa mga espasyong politikal sa pamamagitan ng harassment at intimidation, mismong demokrasya ang humihina,” ani Hontiveros.

Bagama’t mayroon nang mga batas laban sa harassment, violence against women at cybercrime, sinabi ng senadora na wala pang sapat na legal framework na partikular na tumutugon sa karahasang ginagamit upang hadlangan ang kababaihan sa paggamit ng kanilang political rights.

Layunin ng panukala na tukuyin at parusahan ang violence against women in politics, magtatag ng reporting at protection mechanisms, at palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno, law enforcement at digital platforms.

Kinikilala rin nito ang tinatawag na intersectional violence kung saan maaaring magsabay ang diskriminasyon batay sa kasarian at iba pang salik gaya ng edad, etnisidad, sexual orientation, gender identity, disability at socio-economic status.

Iginiit ni Hontiveros na tungkulin ng Estado na tiyaking makalalahok ang kababaihan sa pulitika at pampublikong buhay nang walang intimidation, harassment at diskriminasyon.

May counterpart measure na rin sa Kamara. Ang House Bill No. 8393, na may kaparehong layuning tukuyin at parusahan ang violence against women in politics, ay naaprubahan ng House of Representatives sa third reading noong Mayo at ipinadala na sa Senado.

Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here