MANILA, Philippines – Iminungkahi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla sa mga mambabatas na gawing krimen na hindi maaaring piyansahan ang iligal na pagmamay-ari ng baril dahil sa kamakailang madugong insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU).
Sa isang press briefing nitong Miyerkules, Agosto 19, iginiit ni Remulla na ang Republic Act (RA) 8294 o ang tinaguriang “Robin Padilla” law ay nagdulot ng “pagdami ng mga krimen” na may kaugnayan sa paggamit ng baril.
Binago ng Republic Act 8294 ang Presidential Decree No. 1866, na nagpababa sa mga parusa para sa iligal na pagmamay-ari ng baril sa Pilipinas.
Matatandaang naiugnay ang pangalan ni Senador Robin Padilla sa batas na ito dahil nahatulan siya sa kasong iligal na pagmamay-ari ng baril noong 1994, ngunit kalaunan ay nakatanggap ng conditional pardon mula sa noo’y Pangulong Fidel Ramos noong 1998 at absolute pardon mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.
Sa kanyang panawagan sa Kongreso na amyendahan ang Republic Act 8294, sinabi ni Remulla na 98 porsiyento ng mga krimeng may kaugnayan sa baril ay isinagawa gamit ang “loose firearms” o mga baril na walang kaukulang lisensya o rehistro
Sa kabilang banda, naniniwala si Remulla na maaaring naimpluwensyahan ng larong Roblox ang salarin ng nakamamatay na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU) Junior High School.
“Pero, with great degree of confidence na naimpluwensyahan na naman siya ng laro ng Roblox dahil sa paraan ng kanyang ginawa. Roblox in itself is not a dangerous game. It is the chat group that is inside it. Doon nagkakaroon ng radicalization,” sabi ni Remulla. Santi Celario