Home NATIONWIDE Robin sa tampo ni Erwin sa SET vote: Baka ‘di pa niya...

Robin sa tampo ni Erwin sa SET vote: Baka ‘di pa niya alam totoo

1
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Minaliit ni Sen. Robin Padilla ang pagkadismaya ni Sen. Erwin Tulfo sa umano’y boto ng tatlong kapwa senador kaugnay ng petisyong naglalayong patalsikin siya sa puwesto.

“Gano’n ba? Wala naman dapat ikatampo siguro. Baka hindi pa lang niya alam kung ano ’yung totoo,” ani Padilla sa ambush interview nitong Miyerkules.

Nauna nang sinabi ni Tulfo na nasaktan siya sa mga ulat na tatlong senador na miyembro ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang bumoto laban sa pagbasura sa motion for reconsideration kaugnay ng quo warranto petition laban sa kanya.

Gayunman, inamin ni Tulfo na hindi niya makumpirma kung sino ang tatlong miyembrong bumoto sa naturang paraan dahil confidential umano ang detalye ng botohan.

Nag-post din ang senador ng cartoon sa kanyang Facebook page na nagpapakita ng tatlong kamay na may hawak na kutsilyo at may mga pangalang “Sen. Padilla,” “Sen. Villar” at “Sen. Pia.”

Ang SET ay binubuo ng tatlong mahistrado ng Supreme Court at anim na senador.

Kabilang sa Senate representatives sa tribunal sina Sens. Francis “Kiko” Pangilinan, Bam Aquino at Lito Lapid mula sa majority bloc, habang sina Sens. Pia Cayetano, Robin Padilla at Camille Villar naman ang mula sa minority.

Noong Oktubre 16, ibinasura ng SET sa botong 6-3 ang motion for reconsideration na humihiling na baligtarin ang naunang dismissal ng quo warranto petition laban kay Tulfo.

Ayon sa tribunal, hindi nasunod ng naghain ng mosyon ang filing at service requirements ng 2020 SET Rules, bukod sa naisumite umano ito lampas sa itinakdang panahon.

Nanatili rin umanong insufficient in form ang amended petition.

Gayunman, nilinaw ng SET na ang pagbasura sa mosyon ay “without prejudice” sa paghahain ng ibang petisyon.

Nauna nang ibinasura ng tribunal noong Marso ang quo warranto petition laban kay Tulfo dahil sa kakulangan sa porma. Kinuwestiyon sa naturang petisyon ang kanyang eligibility bilang senador dahil sa umano’y American citizenship at iba pang grounds.

Itinanggi ni Tulfo ang mga alegasyon laban sa kanya at nanindigang karapat-dapat siyang manatili sa Senado. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here