MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ng Malakanyang ang ‘full implementation’ ng 10-year roadmap na naglalayong palakasin ang creative sector ng bansa at protektahan ang mga Filipino artist at ang mga cultural worker.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 103, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nito lamang Oktubre 7 at isinapubliko, araw ng Lunes, in-adopt ng gobyerno ang Philippine Creative Industries Development Plan (PCIDP) 2025-2034, nagbabalangkas sa estratehiya na susuporta sa mga industriya gaya ng “musika, pelikula, design, crafts, advertising, digital media at cultural heritage.”
Inatasan ang Philippine Creative Industries Development Council na pangunahan ang pagsasagawa ng plano at rebisahin ito kada tatlong taon, ayon sa Republic Act No. 11904 o Philippine Creative Industries Development Act.
At upang matiyak ang malawakang implementasyon, ipinag-utos ng Malakanyang sa lahat ng departamento ng gobyerno, ahensiya, state universities and colleges, government-owned and -controlled corporations, at financial institutions na ihanay ang kanilang mga programa sa PCIDP.
“In accordance with their respective mandates, all departments, agencies, bureaus, and offices of the National Government … are hereby directed to support the implementation of PCIDP 2025-2034,” ang mababasa sa circular.
Ang inisyal na pagpopondo para sa plano ay huhugutin mula sa umiiral na appropriations ng mga kaugnay na mga ahensiya, habang ang patuloy na pagpapatupad ay ipapanukala sa national budgets sa hinaharap.
Sa kabilang dako, nakapag-ambag ang Philippine creative economy ng 7% sa gross domestic product ng bansa at nakapagpa-trabaho sa milyon kapuwa sa formal at informal sectors.
Samantala, layon ng PCIDP na itaas ang global market presence para sa Filipino content, protektahan ang intellectual property, tiyakin ang patas na kompensasyon para sa mga creative workers at mag-develop ng world-class talent at imprastraktura. Kris Jose