MANILA, Philippines — Hindi makadadalo nang personal si dating House Speaker Martin Romualdez sa pagdinig ng Sandiganbayan ngayong Huwebes kaugnay ng kanyang hiling na manatili sa ospital, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa panayam sa Unang Balita, sinabi ni PNP spokesperson Col. Allen Rae Co na nagsumite ang kampo ni Romualdez ng medical certification na nagsasabing hindi pa ito maaaring bumiyahe mula sa ospital.
“What I can confirm is a certification nila that the patient is medically unfit to travel outside the hospital as of now to physically appear before the Sandiganbayan,” ani Co.
Kailangan sanang makipag-ugnayan ng kampo ni Romualdez sa Criminal Investigation and Detection Group Group, na maghahatid sa kanya sa anti-graft court kung makadadalo siya.
Kasalukuyang naka-confine si Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City dahil sa iniulat na kondisyon sa puso at utak.
Naunang inutusan ng Sandiganbayan ang dating Speaker na humarap sa pagdinig ngayong Setyembre 10 tungkol sa kanyang motion for continued hospital confinement.
Naglabas din ng subpoena ang Third Division ng anti-graft court para humarap at tumestigo ang mga doktor ni Romualdez hinggil sa kanyang kalagayan.
Nananatili sa ospital si Romualdez mula nang isilbi ng pulisya noong Lunes ang warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng P7.4-bilyong kasong plunder. Wala pang pasya ang Sandiganbayan sa kanyang hiling na ipagpatuloy ang hospital confinement. Santi Celario