MANILA, Philippines – Lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Rosal, na may international name na “Champi,” nitong Sabado ng umaga, Oktubre 24, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA, namataan ang Rosal sa layong 525 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes, sa labas ng PAR, dakong alas-10 ng umaga.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 150 kilometro kada oras. Inaasahang hihina ito bilang severe tropical storm pagsapit ng Sabado ng gabi.
Itinaas sa Batanes ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 dakong alas-8 ng umaga, ngunit inalis na ito. Wala nang ibang wind signal na umiiral sa bansa.
Gayunman, patuloy na magdadala ang panlabas na bahagi ng Rosal ng malalakas hanggang gale-force na pagbugso ng hangin, lalo na sa mga baybayin at matataas na lugar sa Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Norte, Aurora, hilagang Quezon, Polillo Islands, Bicol Region, Romblon, Capiz, Iloilo, at Negros Occidental. RNT/MDS