Home NATIONWIDE Rozul Reef pinaliligiran ng higit 50 barko ng China – PCG

Rozul Reef pinaliligiran ng higit 50 barko ng China – PCG

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang patuloy na swarming activities ng mahigit 50 barko ng Chinese Maritime Militia (CMM) sa paligid ng Rozul Reef, na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, dalawang 44-meter patrol vessels at isang aircraft ng Coast Guard ang agad na nagsagawa ng radio challenge upang paalisin ang mga barko ng China. Gayunman, wala umanong naging tugon mula sa panig ng mga barko ng CMM.

Ani Tarriela, dati nang may presensya ng CMM sa Rozul Reef ngunit karaniwang 20 hanggang 25 barko lamang. Sa pinakahuling ulat nitong Hunyo 17, doble na ang bilang ng mga barkong namataan sa lugar.

Sa kabila nito, kumpiyansa ang PCG na aalis din ang mga barkong Tsino gaya ng mga nakaraang insidente.

“Malinaw na nasa loob ng EEZ ng Pilipinas ang Rozul Reef. Walang karapatan ang China na manatili roon,” ani Tarriela.

Iginiit din niya na ang presensya ng CMM sa lugar ay labag sa international maritime law at mga umiiral na lokal na batas-dagat.

Nagbabala rin ang opisyal na ang patuloy na pananatili ng mga barko ng China ay posibleng makasira sa likas na yaman sa nasabing bahura, na isa sa mga sensitibong bahagi ng West Philippine Sea.

Patuloy namang binabantayan ng PCG ang sitwasyon sa lugar bilang bahagi ng mandato nitong tiyakin ang sovereign rights at proteksyon ng karagatan ng bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden