MANILA, Philippines – IBINAHAGI ng Bureau of Immigration (BI) na nahaharap sa reklamo sa pagiging undesirable alien ang Russian vlogger na nangha-harass sa mga Filipino sa isang livestream.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval sa isang radio interview, sumailalim sa inquest proceedings ang content creator at streamer na si Vitaly Zdorovetskiy noong Huwebes.
“More than bastos, more than magulo siya, ‘yung ginawa niya po ay actual crimes na vinideohan niya pa. Kasi pagnanakaw, pag verbal abuse, so ito pong mga actions niya ay talagang crimes,” ayon kay Sandoval.
Si Zdorovetskiy ay inaresto sa isang hotel sa Pasay City noong Miyerkules matapos mag-viral ang kanyang video at umani ng batikos sa social media dahil sa panliligalig at pang-iinsulto sa mga Pilipino para sa kanyang content.
Sinabi ni Sandoval na ang mga aksyon ng vlogger ay tila “rage bait” para mahikayat ang mga manonood na makipag-ugnayan sa kanyang aocial media content.
“Tumawid siya doon sa ginawa niya. Hindi na siya basta nakakainis lang or nakaka-annoy lang. Krimen na po ‘yung ginawa niya,” ani Sandoval.
Kasalukuyang nakakulong si Zdorovetskiy sa BI facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig.
“Nung dumating po siya the other day, smug pa siya, parang tatawa-tawa pa siya. Walang remorse. Nagpa-flying kiss pa. Pero ang kine-kwento po sa atin ng ating mga operatiba nung dinala na po siya sa facility, mukhang nahimasmasan itong tao na ito,” ayon kay Sandoval.
Sinabi ni Sandoval na tinitingnan din ng mga awtoridad ng pulisya ang posibleng pagsasampa ng mga reklamo laban sa mga Pilipinong kasama ni Zdorovetskiy.
Samantala, sinabi ni Sandoval na titingnan nila ang iba pang posibleng krimen na maaaring kinakaharap ni Zdorovetskiy sa pamamagitan ng database ng International Criminal Police Organization.
Sinabi niya na sakaling ma-deport siya, ilalagay siya sa blacklist ng BI at hindi na siya papayagang makapasok sa Pilipinas.
Gayunman, sinabi ni Sandoval na ang BI ay kailangang maghintay para sa paglutas ng mga reklamong inihain laban kay Zdorovetskiy.
Aniya, sakaling patawan ng sentensya ng local courts ng pagkakakulong ang nasabing dayuhan ay kailangan niya muna pag dusahan iyon sa local jail bago mai-implement ang deportation nito. JR Reyes