MANILA, Philippines- Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Russian vlogger na nag-viral sa social media dahil sa pang-iinsulto at panggigipit nito sa mga Pilipino sa Bonifacio Global City (BGC) na matatagpuan sa Taguig City.
Iniulat ni BI intelligence division chief Fortunato Manahan, Jr. ang pag-aresto kay Vitaly Zdorovetskiy, 33, matapos siyang matukoybilang isang undesirable alien kasunod ng kanyang mga viral na post sa social media.
Nabatid sa BI na ang pag-aresto sa nasabing dayuhan ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang kaayusan, alinsunod sa pangako ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na itaguyod ang mga karapatan at dignidad ng mga Pilipino.
Binigyang-diin ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na bagama’t kilala ang mga Pilipino sa kanilang mabuting pakikitungo, ang mga dayuhang bisita ay inaasahang igalang ang mga lokal na kaugalian at sundin ang mga batas ng Pilipinas.
“The Philippines welcomes visitors from all over the world, but those who abuse our hospitality and violate our laws will be held accountable,” ani Viado. “Harassment and disruptive behavior have no place in our society, and we will take swift action against offenders,” dagdag pa ng opisyal.
Nauna dito, nagalit ang mga netizens kay Vitaly matapos nitong mag-post ng mga video ng kanyang sarili na nang-harass sa mga Filipino habang kumukuha ng video sa paligid ng BGC.
Isinagawa ang pag-aresto sa koordinasyon ng PNP Makati at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Isang police blotter ang iniulat na isinampa sa Philippine National Police (PNP) Southern Police District ng isang security guard na nakatalaga sa BGC, na binanggit ang panggigipit. Agad na nakipag-ugnayan ang CIDG sa usapin sa BI intelligence operatives, na nagsagawa ng pag-aresto batay sa isang mission order na inilabas ni Viado.
Inilipat na si Vitaly sa detention facility ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig, habang hinihintay ang deportation proceedings nito.
“Our laws exist to protect the welfare of Filipinos,” ani Viado. “Let this serve as a reminder that while we welcome visitors, those who fail to respect our people and our laws will face the consequences,” ayon pa sa BI chief. JAY Reyes