MANILA, Philippines – Lubhang dismayado ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) dahil umabot lamang sa 3,000 bagong principal post ang pinondohan ng Marcos administration sa kabila ng 26,000 ang kulang na pinakamataas na opisyal ng isang paaralan sa buong bansa.
Dahil dito, nanawagan ang EDCOM 2 na dagdagan ang pondo para sa School Principal I positions sa FY 2027 budget dahil sobrang maliit na bahagi lamang ang 3,000 bagong posts na iminungkahi kumpara sa 26,453 public schools na walang principal.
Tanging 21,660 lamang sa 48,113 public schools ng DepEd, o 45%, ang pinamumunuan ng Principal I hanggang IV hanggang Enero 2026.
Ang natitirang 26,453 schools ay pinamumunuan ng head teachers o iba pang personnel.
Kasalukuyan pang isinasagawa ang reclassification at retitling ng school leader positions bilang principals sa ilalim ng Republic Act No. 12288, at ang mga pagbabago sa national qualifying exam para sa school heads. Gayunpaman, 13,313 schools pa rin ang walang head teacher o principal item.
Mahalaga ang kakulangan dahil ang principals ang may pananagutan sa performance ng paaralan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9155 at DepEd Order No. 24, s. 2020, ang principal ang chief instructional leader ng paaralan, manager nito para sa school improvement at stakeholder engagement, at administrative, operational at fiscal manager nito.
Responsable ang mga principal sa pagtiyak na naaabot ng mga mag-aaral ang kanilang learning targets, na lumalago nang propesyonal ang mga guro, at na naipapatupad ng paaralan ang mga academic programs tulad ng ARAL at learner support services tulad ng School-Based Feeding Program at mental health and wellness programs.
Kung walang principal o head teacher item ang isang paaralan, ang trabahong ito ay napupunta sa isang regular classroom teacher na itinalaga bilang Teacher-in-Charge (TIC) o Officer-in-Charge (OIC), na karaniwang walang kaparehong suporta na natatanggap ng mga ganap na school heads.
May malinaw na thresholds ang sariling mga patakaran ng DepEd. Kinakailangan ang principal item para sa isang paaralan, o cluster ng hindi bababa sa tatlong paaralan, na may kabuuang siyam o higit pang guro. Kinakailangan ang head teacher item para sa isang paaralan o cluster na may anim o higit pang guro, at para sa bawat standalone Last Mile school o paaralan sa geographically isolated and disadvantaged area (GIDA), anuman ang laki (DepEd Order Nos. 12 at 77, s. 2010).
“High need” schools, dapat unahin
Ang pinaka-urgent na kaso ay ang 3,765 high-need schools: mga paaralang may siyam o higit pang guro ngunit walang principal o head teacher.
Sa Koronadal National Comprehensive High School sa South Cotabato, halimbawa, ang guro na nagsisilbing OIC ay nangangasiwa sa 402 guro at 10,602 mag-aaral, na may limitadong fiscal at decision-making authority at walang pormal na landas para sa professional growth bilang school leader.
May 5,000 pang paaralan na may siyam o higit pang guro na pinamumunuan lamang ng head teachers. Kasama ang high-need schools, aabot ito sa 8,888 paaralan na hindi nakakatugon sa sariling pamantayan ng DepEd.
Laban dito, 3,000 bagong School Principal I positions lamang ang iminungkahi para sa FY 2027. Tinataya ng EDCOM 2 na 7,379 bagong items ang kailangan para lamang masakop ang 8,888 priority schools na ito, matapos bilangin ang 1,149 kasalukuyang vacancies.
Nangangailangan ito ng ₱5.493 bilyon sa first-year salaries. Kahit mapondohan ang lahat ng 3,000 posisyon, mga 4,379 priority schools pa rin ang walang principal.
Malayo rin ang panukala sa National Education and Workforce Development Plan (NatPlan) 2026–2035 ng EDCOM 2, na naglalayong magkaroon ng full principal coverage sa lahat ng public schools pagsapit ng 2028.
Upang makarating doon, nagtatakda ang NatPlan ng hindi bababa sa 6,000 bagong posts sa 2026, 8,000 sa 2027 at 8,124 sa 2028. Ang 3,000 na iminungkahi para sa susunod na taon ay 37.5% lamang ng 2027 target.
Mabagal pa rin ang pag-fill ng mga posisyon. Sa 6,000 bagong Principal I positions na nilikha para sa FY 2026, 843 lamang ang napunan ng DepEd hanggang Setyembre 30, na nag-iwan ng 5,157 na bakante.
“Schools with 25, 50 or more teachers urgently need full time school principals. Approximately 1.4 million learners attend these large schools – typically with 900 students and 30 teachers. And yet thousands of them have no one formally accountable for learning outcomes. Every principal post we leave unfunded is a school where teachers carry leadership work on top of a full teaching load,” pahayag ni EDCOM 2 Executive Director Dr. Karol Mark Yee.
Rekomendasyon ng EDCOM 2:
Pondohan ang hindi bababa sa 5,000 karagdagang School Principal I positions para sa FY 2027, bukod sa 3,000 na iminungkahi na, upang matugunan ang NatPlan target na 8,000 bagong posisyon para sa taon.
Unahin ang paglalaan ng principal positions sa 3,765 “high need” schools na may mahigit siyam na guro at walang school head, simula sa mga may mahigit 25 guro.
Para sa DepEd na bilisan ang pag-fill ng 5,157 bakanteng FY 2026 principal positions. Ernie Reyes