Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office Ad Interim Secretary Jay Ruiz hinggil sa memorandum na nag-uutos sa lahat ng presidential appointees sa mga ahensya, tanggapan at burukrasya sa ilalim ng PCO na magsumite ng kanilang ‘unqualified courtesy resignations.’
”Usually ganoon naman talaga considering all presidential appointees here di ba… para lang kumbaga siyempre free hand sa pagpili ng ating mga kasama… Mahirap din po kasi siyempre dapat pagkakatiwalaan mo kasi kung di mo kasama, di mo naman sila kakilala, of course, as secretary dapat dalhin mo rin ‘yung sarili mong tao,” ang sinabi ni Ruiz sa isang ambush interview, araw ng Lunes, Marso 3.
”Sa akin lang siyempre, walang personalan, marami po kasing tatamaan… maraming posibleng tamaan… siyempre aassess natin kung ano ‘yung ginawa nila, ng bawat opisina, proper evaluation,” aniya pa rin.
Sinabi ni Ruiz na tatagal ng dalawa hanggang tatlong linggo para tapusin ang assessment ng mga departamento sa ilalim ng PCO.
Matatandaang, si Executive Secretary Lucas Bersamin ang nagpalabas ng memorandum, sabay sabing ang hakbang ay naglalayon na pahintulutan at bigyan ang bagong itinalagang PCO secretary ng ‘free hand’ sa pagtupad sa kanyang mga tungkulin at pagpapatupad ng kanyang mga patakaran.
Ayon sa memorandum, ang lahat ng mga apektadong appointees ay dapat na magsumite ng kanilang resignation letter sa PCO secretary hindi lalampas sa Pebrero 28, 2025
Nanumpa naman si Ruiz bilang bagong hepe ng PCO noong nakaraang linggo. Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nangasiwa ng panunumpa sa tungkulin ni Ruiz.
Samantala, pinalitan ni Ruiz si Cesar Chavez, nagbitiw sa tungkulin matapos na aminin na “fallen short of what was expected of him.” Kris Jose