MANILA, Philippines – Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na mahalaga ang pagtataguyod ng isang malaya at transparent na Senado sa harap ng inaasahang pagbabago sa komposisyon nito at potensyal na epekto sa political dynamics tungo sa nalalabing tatlong taon ng kasalukuyang administrasyon.
“Hindi pa namin napag-uusapan about sa leadership. But I agree with Sen. Panfilo Lacson na dapat independent naman talaga ang Senado,” ani Senator Go sa isang panayam.
Sa pagbibigay-diin sa papel ng Senado sa loob ng balangkas ng Konstitusyon, binigyang-diin ni Sen. Go ang pangangailangang pangalagaan ang kalayaan ng institusyon, lalo na sa pagsasagawa ng mga responsibilidad sa pangangasiwa at paghubog ng batas.
“Ang importante po transparency at maging independent po ang Senado. Kaya nga po mayroon tayong tatlong branches ng government. Kami po ang dapat na umusisa nang mabuti, to ensure checks and balances,” ipinunto ni Go.
Bilang tagapangulo ng komite sa kalusugan ng Senado, patuloy na sinusuportahan ni Senator Go ang mga reporma sa pamamahala batay sa pananagutan at integridad ng institusyon.
Idiniin niya ang kahalagahan ng tungkulin ng Senado sa paghubog ng mga pambansang batas at paglalaan ng mga public resources.
“Ang importante dito sa ating gobyerno, dapat independent po ang Senado always, lalo na sa batas. Kasi sa batas at itong finance ng inaaprubahan naming budget, last touch po ‘yung Senado. Kami po ‘yung pinakahuli before the bicam. So importante dito independent,” paliwanag ng senador.
Binigyang-diin din pa niya na dapat maging mas malinaw ang integridad ng Senado habang papalapit ang administrasyon sa huling taon nito.
Kaya naman hinimok niya ang mga kapwa mambabatas na ibatay ang kanilang desisyon sa konsensiya at prinsipyo.
“At ako naman po ay naniniwala ngayon, lalo na ngayon po, going to the second half of the administration, mas lalong dapat na maging independent ang Senado. Bumoto tayo, magdesisyon tayo ayon sa ating konsensya, ayon sa ating mga prinsipyo,” deklara ni Senator Go. RNT