Posible umanong may sabwatan sa pagitan ng ilang mga tauhan ng Department of Justice, Bureau of Customs, at Department of Agriculture sa mga smuggled agricultural products na ipinupuslit sa bansa.
Ayon ito kay Senate Committee Chairman on Agricultures, Food and Agrarian Reform at Senator Kiko Pangilinan matapos silang mag-inspeksyon sa ilang mga container vans sa Manila International Container Port (MICP).
Ayon sa senador, may circumstantial evidence na magpapatunay na may sabwatan ang tatlong ahensya.
Sinabi nito na matagal nang may batas sa smuggling subalit hanggang ngayon ay wala pang nakukulong.
Ito aniya ay sa kabila ng madalas na pagkakahuli ng iba’t ibang mga agri products at mga kasong naisampa sa mga nasa likod nito.
Paliwanag ni Pangilinan, ito ang kanilang target isiwalat sa kanilang ginagawang Senate hearing hinggil sa mga puslit na produktong pang-agrikultural.
Aniya, mistulang flood control at POGO ang sistema sa smuggling kung saan nakikinabang ang ilang mga empleyado ng nasabing mga ahensya ng pamahalaan: may importer galing China, may lokal consignee, at pawang mali-mali ang dokumento na naisusumite sa otoridad, dahilan kaya walang nagtatagumpay na kaso.
Dahil dito, malaki ang kumpiyansa ni Pangilinan kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na mareresolba nila ang naturang usapin.
Samantala, sinabi ni Pangilinan na ang smuggled na frozen chicken na nasabat at aabot sa halagang P13 milyon ay maaring kontaminado ng bird flu at E.coli at delikado ito kapag nakapasok sa merkado.
Nangangamba rin ito na maaring maging banta sa kabuhayan ng lokal poultry farmers.