Bulacan – Arestado ang isang 40 anyos na ina matapos ireklamo ng pananakit mismo sa kanyang sariling minor de edad na babaeng anak sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas Igo habang ang biktima ay itinago sa pangalang Kang, 16, estudyante, kapwa residente ng Brgy. Fatima IV.
Sa report ng SJDM police station, naganap ang insidente bandang 1:00 ng tanghali nitong Nobyembre 23 sa nabanggit na lugar.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa mauwi ito sa pananakit ng ina sa kanyang minor de edad na anak.
Dahil dito, humingi ng saklolo ang biktima sa kanyang tiyahin na nagsumbong naman sa kanilang barangay na agad rumesponde sa lugar kaya nahuli ang suspek at isinuko sa pulisya kalaunan.
Sinabi ng biktima sa mga awtoridad na maikli ang pasensiya ng kanyang ina sa mga maliliit na isyu kaya madalas siyang saktan at ang kanyang mga nakakababatang mga kapatid.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 7610 (Physical and Psychological Abuse) habang nakakulong sa naturang istasyon. Dick Mirasol