Sinabi ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na ang Sagip Saka Act ay solusyon sa krisis sa pagkain upang mapababa ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin na kasalukuyang nagpapahirap sa mga mamimili, magsasaka, at mangingisda.
Ang Sagip Saka Act ay inakda at naipasa ng senador noong 2019. Layunin ng batas na palawakin ang oportunidad ng mga kooperatiba ng magsasaka at mangingisda na makapagbenta ng kanilang mga produkto.
Sa Anniversary at launching ng Sagip Saka na inilunsad sa MICE Quezon City Hall kanina Mayo 9 (Sabado) pinangunahan ni Sen. Pangilinan at Mayor Joy Belmonte ang paglulunsad ng Sagip Saka upang makatulong hindi lamang sa mga residente ng Kyusi kundi sa mga residente ng ibang lunsod.
Sinabi Sen. Pangilinan na maaaring bumili ang nasyonal at lokal na gobyerno at mga ahensya ng gobyerno ng pagkain direkta mula sa mga magsasaka at mangingisda nang hindi dumadaan sa public bidding.
“Isang susi para bumaba ang presyo ng bilihin ay full implementation ng Sagip Saka Law. Implementahin ng tama. Bigyan ng sapat na suporta ang ating mga magsasaka at mangingisda,” saad ng senador sa isang media interview nitong Sabado, Mayo 9, sa kauna-unahang Sagip Saka Day na ginanap sa Quezon City.
Ipinaliwanag mismo ng senator na ang pagpapatupad ng Sagip Saka Law ay magiging daan para sa mas matibay na suplay ng pagkain sa bansa at mas masaganang lokal na produksyon ng pagkain.
“Syempre dahil dadami na ang supply ng lokal na pagkain at magiging abot-kaya kapag na-enganyo ang farmers na magtanim nang magtanim dahil alam nilang bibilhin sa tamang presyo,” sabi ng senador. “Dadami ang supply ng pagkain. Kapag madami nang supply ng pagkain sa merkado at gulay at isda eh bababa na ang presyo ng pagkain.”
Pinuri rin ni Pangilinan, na siyang chairman ngayon ng Senate Committee on Agriculture, Food, at Agrarian Reform, ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pagbili kamakailan ng P500 milyong halaga ng bigas nang direkta mula sa mga kooperatiba ng mga magsasaka.
“Lahat po yan ay ginamit po namin para bumili ng bigas direkta sa ating mga magsasaka na kooperatiba, so napakaganda ng presyo dahil wala po middleman tapos mas marami tayong naibigay na bigas sa ating pong mga vulnerable sectors,” ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte na naroon din sa Sagip Saka Day.
Dagdag ni Pangilinan, nasa P200 milyon ang natipid ng lokal na pamahalaan ng Quezon City dahil sa murang pagbili ng bigas habang kumita naman nang mas malaki ng tatlo hanggang apat na beses ang mga magsasaka.
Ang P500 milyong budget sa pagbili ng bigas ay nagmula sa Local Government Support Fund na ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga lokal na pamahalaan, ayon kay Belmonte. (Santi Celario)