Home NATIONWIDE Samal City assessor, ikalawang testigo ni VP Sara sa impeachment trial

Samal City assessor, ikalawang testigo ni VP Sara sa impeachment trial

8
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Iniharap ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang city assessor ng Island Garden City of Samal bilang ikalawang testigo ng depensa sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Senado ngayong Martes, Nobyembre 10.

Tumetestigo si Samal City Assessor Engr. John Kenneth Enumerables tungkol sa tax declarations at tax maps ng ari-ariang iniuugnay sa asawa ng Bise Presidente na si Atty. Manases Carpio.

(c) Cesar Morales

Bahagi ito ng pagtatangka ng depensa na kontrahin ang alegasyon ng House prosecution na may mga ari-ariang hindi idineklara o hindi wastong naitala sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.

Nauna nang iniharap ng prosekusyon ang mga dokumentong nagpapakitang bumili si Carpio ng ari-arian sa Samal noong 2018 sa halagang humigit-kumulang ₱3.45 milyon.

Ayon sa prosekusyon, walang direktang katugmang detalye ng naturang ari-arian sa 2019 SALN ng Bise Presidente.

Matapos si Enumerables, inaasahan ding ihaharap ng depensa si Matina Crossing Barangay Captain Cindy Colina upang magbigay-linaw sa pagkakakilanlan ng barangay sa Davao City.

Maaari nitong suportahan ang testimonya ng unang testigo ng depensa na si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin, na nagsabing iisang lugar lamang ang Barangay 74-A at Barangay Matina Crossing.

Nauna kasing kinuwestiyon ang pagkakaiba ng nakasaad na lokasyon ng isa pang ari-arian ni Carpio sa SALN ni Duterte at sa tax declaration nito.

Gayunman, iginiit ng prosekusyon na hindi sapat ang pagkakapareho ng pangalan ng barangay upang patunayang iisang ari-arian ang tinutukoy sa mga dokumento.

Patuloy na dinidinig ng Senate impeachment court ang Article II ng impeachment complaint laban kay Duterte na may kaugnayan sa mga alegasyon ng unexplained wealth at hindi wastong deklarasyon ng mga ari-arian.

Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here