Home HOME BANNER STORY San Jose National High School sa Tacloban City, balik face-to-face classes na

San Jose National High School sa Tacloban City, balik face-to-face classes na

3
0

MANILA, Philippines – Balik face-to-face classes na nitong Lunes ang mga estudyante ng San Jose National High School sa Tacloban City, dalawang linggo matapos ang malagim na pamamaril noong Hunyo 22, 2026 na ikinasawi ng tatlo at ikinasugat ng 20 iba pa.

Bilang bahagi ng mas mahigpit na seguridad, lahat ng papasok sa paaralan ay kinakailangang dumaan sa inspeksyon. Gumagamit na rin ng metal detectors upang hindi maantala ang pagpasok ng mga estudyante.

Maliban sa mga security guard, may mga pulis ding nagsasagawa ng ronda sa paligid ng paaralan. Nagdagdag din ng 16 CCTV cameras sa loob ng campus.

Ayon kay Nilo Eder, information officer ng DepEd-Tacloban City, ang pagbabalik ng face-to-face classes ay bahagi rin ng psychological aid upang unti-unting matulungan ang mga estudyante na makabangon mula sa trauma ng pamamaril.

Hindi na rin gagamitin bilang silid-aralan ang mga classroom kung saan may mga naitalang casualty sa insidente. Gagawin na lamang ang mga ito bilang opisina o stockroom.

Nilinaw ng DepEd-Tacloban City na hindi lamang sa unang araw ipatutupad ang paghihigpit sa seguridad, kundi magpapatuloy ito upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente.

Umapela rin ang ahensya ng tulong upang maibalik ang sigla ng mga estudyante at mahikayat silang magpatuloy sa pag-aaral. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here