Home NATIONWIDE Sandamakmak na ‘depekto’ natukoy ni Cayetano sa bumagsak na Isabela Bridge

Sandamakmak na ‘depekto’ natukoy ni Cayetano sa bumagsak na Isabela Bridge

MANILA, Philippines- Hindi pa man nakukumpleto ang pagtatayo ng Cabagan-Sta Maria Bridge sa Isabela, sandamakmak na depekto ng natuklasan ni Senador Alan Peter Cayetano sa ikalawang pagdinig ng imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee, sinabi ni Cayetano na talagang bibigay ang tulay dahil maraming depekto ang natuklasan sa ikalawang pagdinig pa lamang.

“935 fails in total [citing the number of times the word was mentioned in the consultant’s As-Built Evaluation Report] … Forgive me Mr. Secretary, but there should be outrage about this information kasi hindi naman pala totally unexpected na bumagsak ang bridge,” sabi ng senador kay Public Works Secretary Manuel Bonoan.

“Kasi nga since 2018 until now — in five years’ time — na-reveal na mayroon nang problem after problem, tapos may fail pa,” dagdag niya.

Ayon sa senador, nanggaling mismo sa dokumento ng Department of Public Works and Highways ang impormasyon ng maraming depekto na natuklasan ng kanilang tauhan simula pa noong 2018.

Aniya, nakasaad sa mga ulat na lahat ng 12 span ng tulay ay mayroong mga isyu – mula sa minor (bitak), hanggang critical (hairline cracks) at severe (snapped bolts, deformities, longitudinal cracks, at iba pa).

“Hindi totoong spans 2 and 3 lang ang may problema. Every single one of the spans ay napansin ng inyong field engineers so much so that the DPWH asked to get an independent structural engineer [to assess it],” sabi ni Cayetano.

Ikinagalit din ng senador ang pagbabalewala ng ahensya sa failure reports at inirekomendang aksyon na isinumite nina Project Engineer Felipe Lingan Jr. at Robert Panaligan.

Aniya, dahil sa mga ulat noong taong 2020, mukhang ang sanhi ng pagbigay ng tulay ay ang kalidad ng konstruksyon at hindi depekto sa disenyo.

“Mayroon nang prima facie evidence [na ang failure] ay nasa construction, hindi design,” wika ng senador.

Isiniwalat din ni Cayetano na maaaring hindi de-kalidad ang ginamit na bakal sa paggawa ng tulay. Bilang patunay, nagpakita siya ng larawan kung saan kita na malinis ang pagkahiwa ng bakal, imbis na banat ito.

Natuklasan pa ng senador na ang mga bolt sa tulay ay hindi nasuri ng sinumang field engineer ng DPWH at nainspeksyon lamang ito ilang araw pagkatapos ito nasira.

“May bumagsak na tulay sa Pilipinas na [worth] a billion pesos and yet you have no outrage. Hindi man lang ginawa test isang buwan na [ang nakalipas]?” buwelta ng senador.

Dismayado si Cayetano dahil napakakupad umano ng tugon ng ahensya sa insidente, na nangyari pa noong February 27, 2025.

Ikinagalit ito ng senador dahil dalawang linggo pagkatapos nasira ang tulay – habang dinidinig ng Blue Ribbon Committee ang isyu noong March 14 – ay nalaman niya na wala pang aksyon ang DPWH sa insidenteng ito.

“Wala pa silang ginawang special committee o pagdinig, inatasang lider para sa imbestigasyon, at pinatawan ng preventive suspension upang managot sa nangyaring trahedya,” ayon sa senador.

Ngunit sa kabila ng kanyang pagkagalit, determinado si Cayetano na alamin ang katotohanan sa pagkasira ng tulay. Gusto niyang magpasa ng mga kinakailangang reporma sa loob ng DPWH.

“Walang sacred cows dito sa imbestigasyon kasi tulay ito… Ang tama ay tama, ang mali ay mali. I see this as an opportunity to draw the line and tell contractors na, ‘P1 trillion na ang budget ng DPWH. Dapat may red line. Wag dadayain ang projects’,” wika ng senador.

“This can be the starting point of reform of DPWH in this administration that will have far-reaching effects in the future,” dagdag niya. Ernie Reyes