Home METRO Sanggol, iniwan sa harap ng bahay sa Bohol

Sanggol, iniwan sa harap ng bahay sa Bohol

1
0

BOHOL, Philippines – Natagpuan ang isang bagong silang na sanggol na lalaki na iniwan sa loob ng isang residential property sa Barangay Danao, Panglao, Bohol, madaling-araw nitong Biyernes, Oktubre 30, apat na araw matapos matagpuan din ang isa pang sanggol malapit sa isang paaralan sa bayan.

Natagpuan ang sanggol bandang alas-3 ng madaling-araw sa ibabaw ng isang maliit na mesa sa labas ng bahay ni Myrna Ayup, 53, sa Purok 5, Barangay Danao.

Ayon kay Ayup, nagising siya dahil sa iyak ng sanggol. Nang lumabas upang alamin ang pinagmulan ng tunog, nakita niya ang sanggol na nakabalot sa isang itim na jacket.

Agad siyang humingi ng tulong sa kapitbahay at nakipag-ugnayan sa Panglao Emergency Medical Response Unit (PEMRU), na rumesponde kasama ang mga tauhan ng Rural Health Unit (RHU).

Nakatanggap ng ulat ang Panglao Police Station bandang alas-5 ng umaga at nagpadala ng mga tauhan, kabilang ang miyembro ng Women and Children Protection Desk, upang beripikahin ang insidente at tulungan ang sanggol.

Dinala ang sanggol na lalaki sa Panglao RHU para sa pagsusuri at kaukulang atensiyong medikal.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga pangyayari sa likod ng insidente at makilala ang taong nag-iwan sa sanggol.

Nangyari ito apat na araw matapos matagpuan ang isa pang sanggol, isang babae, na iniwan malapit sa Cristal e-College sa Barangay Tawala, Panglao, noong Oktubre 26.

Natagpuan ang sanggol na babae na nakabalot sa kumot bandang alas-9 ng umaga malapit sa parking area ng paaralan. Isang 18-anyos na first-year college student ang nakakita sa kanya habang ipinaparada ang kaniyang motorsiklo.

Dinala ang sanggol sa ospital para sa karagdagang gamutan matapos makagat ng maraming langgam.

Sa follow-up investigation ng pulisya, natukoy ang ina ng sanggol bilang isang 18-anyos na first-year college student mula sa Anda, Bohol, na umano’y umuupa ng boarding house malapit sa lugar kung saan natagpuan ang sanggol. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here