MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) na gawing mandatory ang bag inspection sa mga paaralan kasunod ng madugong pamamaril sa Tacloban City.
Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture nitong Lunes, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Roger Masapol na sinusuri pa ang panukala at isasaalang-alang ang laki at kapasidad ng bawat paaralan.
“Tinitingnan namin na baka gagawin na siyang mandatory. Pero ang tinitingnan namin, Mr. Chair, ‘yung size ng school. For example, ‘yung Parañaque National High School, mayroong 14,000… Medyo nightmare po ‘yung bag inspection. Kaya tinitingnan po namin ano ‘yung good combination po ba ng mga security measures natin,” ani Masapol.
Pinag-aaralan din ng DepEd ang paglalagay ng walk-through at handheld metal detectors, gayundin ang pagdaragdag ng mga entry at exit lane upang mapabilis ang security screening.
“Tinitingnan po namin na mag-deploy po ng mga walk-through metal detectors… Dadagdagan lang po ‘yung ingress and egress ng mga school. Like for example, kung isang gate lang siya, puwede siguro sa gate na ‘yun, apat na line po,” dagdag niya.
Inamin din ng DepEd na kailangan pang paigtingin ang pagpapatupad ng school safety protocols na inilabas noong Pebrero, matapos kuwestiyunin ni House Committee on Basic Education and Culture Chairperson Rep. Roman Romulo kung epektibong naipatutupad ang mga umiiral na hakbang.
Ayon kay Masapol, inatasan ni Education Secretary Sonny Angara ang departamento na gawing prayoridad ang kaligtasan at seguridad sa mga paaralan matapos ang insidente sa Tacloban.
Samantala, nanawagan ang mga child rights advocate sa mga mambabatas na huwag nang buhayin ang panukalang ibaba ang minimum age of criminal responsibility. Sa halip, sinabi nilang dapat palakasin ang child protection systems, mental health services, at pananagutin ang mga nasa hustong gulang na nagpapahawak ng baril sa mga menor de edad.
“These incidents should serve as a clear call to strengthen support systems for our children and youth, not to push for greater criminalization,” ani Gabriela party-list Rep. Sarah Elago.
Isinagawa ang mga talakayan ilang araw matapos ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong menor de edad at ikinasugat ng ilan pa, na muling nagbukas ng usapin tungkol sa campus security at karahasan sa kabataan. Santi Celario