QUEZON, Philippines – Ipinag-utos ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang mandatoryong pagsusuot ng face mask sa mga indoor settings at outdoor areas kung saan hindi ipinapatupad ang physical distancing, upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at influenza-like illnesses (ILI).
Sa isang executive order, sinabi ng lokal na pamahalaan na ang mandatoryong pagsusuot ng face mask ay dahil sa pagtaas ng mga sakit tulad ng sipon, ubo, at pulmonya.
Inutusan din nito ang mga indibidwal na may mga sintomas tulad ng sipon, namamagang lalamunan, o lagnat na agad mag-isolate.
Nanawagan din ang lokal na pamahalaan sa publiko na i-update ang kanilang mga bakuna laban sa trangkaso at pneumococcal at patuloy na sundin ang wastong kalinisan.
Sa isang hiwalay na Facebook post, sinabi ng Public Information Office ng Lucena City na ang mga face-to-face na klase sa lahat ng antas at sa pribado at pampublikong paaralan ay muling sinuspinde mula Oktubre 20 hanggang 22, 2025 bilang pag-iingat laban sa pagkalat ng trangkaso at pneumonia.
Lumabas sa datos ng Department of Health (DOH) na nasa 133,000 kaso ng influenza-like illnesses (ILI) ang naitala noong Setyembre, mas mababa sa 155,000 na kaso sa parehong buwan noong nakaraang taon.
“We know many people are getting sick. Magkaibang virus ‘yun. Wala tayong outbreak from a single virus, there is no need to declare a lockdown but there is a recommendation to start wearing your mask or staying at home when you are sick. That is our public health recommendation,” ayon kay Health Secretary Teodoro “Ted” Herbosa. RNT/MND