MANILA, Philippines — Umakyat na sa 15 ang kaso ng mpox o monkeypox sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).
Inihayag ito ni Health Undersecretary Gloria Balboa sa ginanap na Metro Manila Council meeting sa Metropolitan Manila Development Authority, Miyerkules.
Sinabi ni Balboa na ang bagong kaso, na kinumpirma ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) noong Setyembre 9, ay mula sa National Capital Region.
Sa labinlimang kaso, labing isa ay mula sa Metro Manila, tatlo mula sa Calabarzon, at isa mula sa Cagayan Valley.
Labing-apat sa mga kaso ay lalaki, habang ang isa ay babae. Ang mga naiulat na kaso ay nasa edad mula labindalawa hanggang apatnapu’t isang taong gulang.
“This is not alarming unlike po COVID-19, kaso hindi naman airborne, hindi nandiyan lang sa hangin. This one is skin to skin close intimate contact ang kanyang mode of transmission,” paliwanag ni Balboa.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na panatilihin ang personal hygiene upang maiwasan ang mpox.
“Iyong ating universal precautionary measures, ang pagdidisimpekta ng mga kontaminadong ibabaw, paghuhugas ng kamay gamit ang mga sanitizer o kahit simpleng sabon at tubig lamang. Ang ating wastong paraan ng paghuhugas ng ating mga kamay ay maaaring makapatay ng virus,” dagdag pa niya. RNT