Home NATIONWIDE SC: Parehong pagnanais ng mag-asawang tapusin kasal, ‘di agad sabwatan

SC: Parehong pagnanais ng mag-asawang tapusin kasal, ‘di agad sabwatan

4
0

MANILA, Philippines — Nilinaw ng Korte Suprema na hindi awtomatikong maituturing na sabwatan o collusion sa annulment case ang sabay na pagnanais ng mag-asawa na tapusin ang kanilang kasal.

Sa desisyong inilabas nitong Huwebes, binaligtad ng SC Third Division ang hatol ng Regional Trial Court na nagbasura sa petisyon para sa annulment dahil sa umano’y sabwatan ng mag-asawa.

Naghain ang misis ng petisyon sa RTC upang ipawalang-bisa ang kanilang kasal dahil sa umano’y kapabayaan ng kaniyang asawa sa mga tungkuling pangmag-asawa. Ayon sa kaniya, nakaranas siya ng pisikal, sikolohikal, at ekonomikong pang-aabuso na nagsimula pa bago sila ikasal.

Hindi naghain ng sagot ang asawa at hindi rin tumutol sa petisyon, kaya iniutos ng RTC ang imbestigasyon kung may sabwatan o lihim na kasunduan ang mag-asawa upang pekein o baluktutin ang mga katotohanan para mapawalang-bisa ang kasal.

Bagama’t sinabi ng mga prosecutor na walang sabwatan, ibinasura pa rin ng mababang hukuman ang petisyon dahil kulang umano ang ebidensiya upang patunayan ang psychological incapacity.

Para sa Korte Suprema, hindi maaaring ipalagay agad na may collusion dahil pareho lamang na nais ng mag-asawa na tapusin ang kanilang kasal. Hindi rin umano katumbas ng lihim na plano para linlangin ang korte ang hindi pagtutol sa petisyon.

Binigyang-diin ng SC na kailangang mapatunayan ang collusion sa pamamagitan ng ebidensiya, gaya ng pagpalsipika ng katotohanan, paggawa ng pekeng ebidensiya, o pagtatago ng valid defense. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here