Home NATIONWIDE SC ruling vs unprogrammed funds, panangga vs pag-abuso ng pondo ng bayan...

SC ruling vs unprogrammed funds, panangga vs pag-abuso ng pondo ng bayan – De Lima

1
0

MANILA, Philippines – Itinuturing ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na mahalagang panangga laban sa posibleng abuso sa pondo ng gobyerno ang desisyon ng Supreme Court (SC) na higpitan ang paggamit ng unprogrammed appropriations (UA).

Ayon kay De Lima, Senior Deputy Minority Leader ng Kamara, malinaw na inilagay ng Korte Suprema sa tamang limitasyon ang UA matapos magtakda ng mga safeguard sa paggamit nito at sa kapangyarihan ng Kongreso sa pagbabago ng pambansang badyet.

“The Court has put it back in its proper place,” ani De Lima, sabay giit na ang UA ay dapat manatiling standby fund at hindi maging “slush fund” na maaaring gamitin nang maluwag.

Kabilang si De Lima, kasama si Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice, sa mga naghain ng petisyon laban sa mga probisyon sa 2026 General Appropriations Act (GAA) na may kaugnayan sa unprogrammed appropriations.

Bagama’t nais sana nilang tuluyang alisin ang UA, sinabi ni De Lima na mahalagang hakbang ang pagtatakda ng SC ng malinaw na constitutional limits upang mapalakas ang fiscal discipline, transparency at accountability sa paggamit ng pera ng bayan.

Binigyang-diin ng Korte Suprema na hindi likas na labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations, ngunit kailangan itong sumailalim sa malinaw na limitasyon at safeguards.

Pinawalang-bisa rin ng SC ang 2024 national budget kaugnay ng ₱449.5-bilyong dagdag sa unprogrammed appropriations, habang kinuwestiyon naman sa 2025 GAA ang ₱17.99-bilyong karagdagang pondo para sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways.

Para kay De Lima, nagsisilbi ring babala ang desisyon sa sinumang magtatangkang gamitin ang proseso ng pagbabadyet upang makapagsingit o makagamit ng pondo nang lampas sa itinakdang limitasyon.

Samantala, sinabi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na napapanahon ang desisyon ng SC habang sinusuri ng Senado ang bersyon ng Kamara ng panukalang ₱2027 pambansang badyet. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here