Home HOME BANNER STORY Seguridad ng mga biyahero sa summer break, hinigpitan na ng PNP

Seguridad ng mga biyahero sa summer break, hinigpitan na ng PNP

179
0

MANILA, Philippines — Inilunsad ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes ang “Ligtas SUMVAC 2026,” isang nationwide security operation upang tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipinong maglalakbay ngayong summer break mula Marso 29 hanggang Mayo 31, 2026.

Sa pahayag, sinabi ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na handa ang kapulisan na panatilihin ang seguridad sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa mga simbahan at pasyalan ngayong bakasyon at Semana Santa.

“Sa panahon ng bakasyon at Semana Santa, inaasahan natin ang pagdagsa ng mga biyahero at mga pamilyang magtutungo sa mga simbahan at pasyalan. Nais naming tiyakin sa publiko na nakaalerto ang inyong kapulisan upang mapanatiling ligtas at maayos ang kanilang paglalakbay,” ayon kay Nartatez.

“Simple lang naman ang hangarin natin – na maramdaman ng bawat Pilipino na ligtas sila saan man sila magpunta. Police presence will be stronger in transport hubs, highways, and tourist spots to ensure families can travel with confidence,” dagdag niya.

Magde-deploy ang PNP ng mga tauhan at resources sa buong bansa, partikular sa mga highway, transport hubs, tourist destinations, at iba pang mahahalagang lugar.

Maglalagay ang Highway Patrol Group ng road safety marshals sa mga pangunahing kalsada at magsasagawa ng inspeksyon sa mga bus terminal, habang paiigtingin ng Police Regional Offices ang mobile patrols at police visibility sa mga transport terminal at pampublikong lugar.

Magtatayo rin ng Motorist Assistance Centers sa mga pangunahing highway at Police Assistance Desks sa mga simbahan, paliparan, pantalan, at bus terminals.

Saklaw ng security plan ang mga pangunahing okasyon sa summer season tulad ng Philippine Veterans Week, Araw ng Kagitingan, Holy Week, Labor Day, at Flores de Mayo.

Pinaalalahanan din ni Nartatez ang publiko na manatiling mapagmatyag, bantayan ang kanilang mga gamit, at agad iulat sa pinakamalapit na pulis o istasyon ang anumang kahina-hinalang aktibidad.

Samantala, paiigtingin ng PNP Anti-Cybercrime Group ang cyber patrols upang maiwasan ang online scams, kabilang ang mga pekeng travel at accommodation offers na target ang mga bakasyunista. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here