MANILA, Philippines – Mas pinatatag ng Department of Agrarian Reform (DAR) and seguridad sa lupa ng mga miyembro ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) matapos mamahagi ang DAR Batangas ng sampung (10) Electronic Land Titles (E-Titles) sa dalawang (2) ARB mula sa Baragay Malabanan, Balete, Batangas.
Pinangunahan ang aktibidad ni Provincial Agrarian Reform Program Officer II Atty. John Erick M. Sawal, katuwang sina Municipal Agrarian Reform Program Officer (MARPO), Exur John Thomas Gozos, at Senior Agrarian Reform Program Technologist (SARPT), Nancy Garing.
Sinabi ni Atty. Sawal, ang E-Titles ay nagbibigay ng kapanatagan at proteksyon sa mga magsasaka upang mas mapaunlad ang kanilang lupain at kabuhayan.
“Sa pagkakaroon ng siguradong titulo, nagkakaroon ng tiwala at kapanatagan ang ating mga magsasaka. Mas nagiging handa silang magplano para sa hinaharap at pagbutihin ang kanilang ani,” aniya.
Kaugnay nito ibinahagi naman ni Normalita de Silva, isang ARB mula sa Barangay Malabanan, na limang taon niyang hinintay ang parcelization ng kanyang 2,600 metro kuwadradong lupa na nahati sa dalawang parsela. Ang lupang ito ay taniman ng saging, lanzones, at mga gulay gaya ng sitao, gabi, at papaya na siyang ikinabubuhay ng kanyang pamilya.
Para kay De Silva, ang E-Title ay hindi lamang patunay ng pagmamay-ari kundi isang pamana para sa susunod na henerasyon.
“Ngayon, kampante na ako dahil alam kong may legal na kasiguruhan ang lupa na maipapamana ko sa aking mga anak,” aniya.
Samantala ipinapakita ng pamamahagi ng E-Titles ang patuloy na pagsusumikap ng pamahalaan sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) upang palakasin ang karapatan ng mga magsasaka at isulong ang makatarungan at maunlad na kanayunan.
Sa pamamagitan ng mabilis, ligtas, at malinaw na serbisyo, tinitiyak ng DAR Batangas na ang mga magsasaka ay makatatayo sa lupang tunay nilang maituturing na kanila. Santi Celario