MANILA, Philippines – Nagpatuloy ang volcanic earthquakes at tremors sa Bulkang Taal, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Sabado, Agosto 16.
Sa loob ng 24 oras nitong Biyernes, nakapagtala ang ahensya ng anim na volcanic tremors na tumagal mula 36 hanggang 138 minuto.
Noong Agosto 14, siyam na lindol at dalawang tremors ang naitala, habang 41 lindol at 40 tremors naman ang naitala noong Agosto 13.
Mula Agosto 9 hanggang 12, umabot sa 19 volcanic earthquakes at 21 tremors ang naitala, kumpara sa apat na lindol at isang tremor lamang mula Agosto 1 hanggang 9.
Ayon sa Phivolcs, ang volcanic earthquakes ay dulot ng magmatic processes sa ilalim o paligid ng bulkan, samantalang ang tremors ay tuloy-tuloy na seismic signals na maaaring dulot ng pagdaloy ng magma o volcanic gas sa mga bitak at bunganga.
Sa pinakahuling ulat, nakapagtala rin ng 292 metric tons ng sulfur dioxide (SO2) na ibinubuga mula sa main crater ng bulkan.
Wala namang naitalang upwelling ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake gayundin ang presensya ng vog o volcanic smog.
Nananatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano, na nangangahulugang nasa abnormal na kondisyon pa rin ito at posibleng makaranas ng biglaang steam-driven o minor phreatomagmatic eruptions, volcanic earthquakes, ashfall, at mapanganib na akumulasyon o pagbuga ng volcanic gas. RNT/JGC