Home NATIONWIDE Seismic activity sa Bulkang Taal, tumaas

Seismic activity sa Bulkang Taal, tumaas

2
0

MANILA, Philippines – Naitala ang pagtaas ng seismic activity sa Bulkang Taal sa Batangas matapos makapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng mas maraming pagyanig sa nakalipas na 24 oras.

Sa bulletin nitong Sabado, Hulyo 4, sinabi ng Phivolcs na naitala ang 61 volcanic earthquakes at 60 volcanic tremors na tumagal ng isa hanggang tatlong minuto bawat isa.

Mas mataas ito kumpara sa mga naunang araw kung saan apat lamang na volcanic earthquakes ang naitala noong Biyernes at dalawa noong Huwebes. Noong Hulyo 1, nakapagtala rin ng 19 volcanic earthquakes at limang volcanic tremors.

Dumating ang pagtaas ng aktibidad ilang araw matapos ang dalawang phreatomagmatic eruptions noong Hunyo 30, na nagdala sa kabuuang limang naturang pagsabog ng Bulkang Taal sa buong buwan ng Hunyo.

Sa kabuuan ng Hunyo, nakapagtala ang Phivolcs ng 53 volcanic earthquakes at 13 volcanic tremors, habang walong araw namang walang naitalang seismic activity.

Ipinaliwanag ng Phivolcs na ang volcanic earthquakes ay dulot ng paggalaw ng magma sa ilalim o malapit sa aktibong bulkan, habang ang volcanic tremors ay tuloy-tuloy na low-frequency seismic signals na maaaring sanhi ng paggalaw ng magma o volcanic gases sa mga bitak at lagusan ng bulkan.

Sa kabila ng pagtaas ng aktibidad, nananatiling Alert Level 1 ang Bulkang Taal, na nangangahulugang may mababang antas ng volcanic unrest.

Ayon sa Phivolcs, hindi nangangahulugan ang kasalukuyang alert status na normal na muli ang kondisyon ng bulkan o tuluyan nang nawala ang posibilidad ng mapanganib na aktibidad.

Naitala rin ang sulfur dioxide (SO₂) emission na 829 metric tons kada araw, habang umabot sa humigit-kumulang 600 metro ang taas ng ibinugang plume bago inanod patungong west-northwest at northwest.

Wala namang naobserbahang volcanic smog (vog) o pag-alsa ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake sa isinagawang monitoring. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here