MANILA, Philippines – Patay ang isang security guard matapos pagbabarilin ng isang pulis sa loob ng bus sa Makilala, North Cotabato.
Sugatan naman ang dalawang pulis na nasa checkpoint matapos ding mabaril ng suspek.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente nitong madaling araw ng Sabado, Disyembre 28 sa bahagi ng Barangay Batasan sa Makilala.
Magbabayad umano ng pamasahe ang sekyu na kinilalang si Reynaldo Bigno, Jr., na papunta sana sa trabaho sa Davao City nang barilin ng pulis na nakaupo sa likod nito.
Ang suspek na pulis ay nakatalaga sa Police Station 7 sa General Santos City, na patungo rin sa Davao City.
Kasama nito ang asawa nang mangyari ang insidente.
Bago ang pamamaril, nag-aaway umano ang mag-asawa sa loob ng bus.
“Based sa ating information, nagkaroon sila ng chaos sa loob ng bus kasi kasama niya yung partner niya… siguro, napuno, ‘di natin alam kung ano ‘yung nasa isip ng police officer kaya nahantong ng ganoon,” pahayag ni Makilala Municipal Police Station Spokesperson, Chief Master Sergeant Ritche Gesulga, sa panayam ng GMA News.
Inakala umano ng suspek na pulis na bubunot ng baril ang gwardiya kaya niya ito binaril.
“Sabi kasi ng conductor, kasi yung pagkabaril sa kanya… ang scenario tiniketan sana ng conductor si Reyando Bigno, Jr., yung napatay kasi, pa-travel man siya papuntang Toril, Davao kasi mag-duty siya doon as security guard. Ang problema kasi yung that time na magbayad na sana sa ticket niya yung para sa pamasahe niya papuntang Davao, sabi kasi sa investigator, yung nakausap ang suspek, tingin daw niya doon kay Jun Bigno, akala daw niya magbunot ng baril kaya binaril niya doon sa likuran natamaan yung bandang batok niya, then nakalabas yung bala sa may noo niya banda,” sinabi ni Barangay Batasan Councilman Abe Desaca.
Matapos ang pamamaril ay inutusan pa umano ng pulis ang drayber ng bus na magpatuloy lamang sa pagmamaneho ngunit nang dumating sa border control sa Barangay New Opon, Magsaysay, Davao del Sur ay tumigil ang drayber at humingi ng tulong sa mga nakatalagang pulis.
Dito na nagalit ng suspek at pinagbabaril naman ang dalawang pulis na nasa checkpoint.
Agad na isinugod sa ospital ang mga sugatang pulis habang nagtangka naman tumakas ang suspek ngunit naaresto rin kalaunan.
Nananawagan ng hustisya ang asawa ng napatay na gwardiya.
Nangako naman ang General Santos City Police Office (GSCPO) na paiigtingin nila ang pagsuaybay sa kanilang mga tauhan. RNT/JGC