MANILA, Philippines – Pangkalahatang mapayapa ang pagdiriwang ng Bagong Taon 2026 sa buong bansa sa kabila ng mga ulat ng pinsala mula sa paputok, nasirang ari-arian, at insidente ng ligaw na bala, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. na may naitalang pinsala ngunit nanatiling maayos ang kabuuang sitwasyon.
“Sa pagsalubong natin ng Tagong taon and the rest of the holiday season ay nakapagtala po tayo ng mga pinsala sa mga ari-arian at sa mga buhay din po pero generally peaceful po,” ani Nartatez.
Mula Disyembre 16 hanggang Disyembre 31, nakapagtala ang PNP ng 11 kaso ng indiscriminate firing at limang insidente ng ligaw na bala.
Simula naman ng Bagong Taon, limang kaso pa ng indiscriminate firing at dalawang insidente ng stray bullet ang naitala, na ikinaaresto ng 11 suspek kabilang ang tatlong pulis.
Samantala, iniulat ng Department of Health na umabot sa 235 ang firecracker-related injuries sa buong bansa hanggang Biyernes ng umaga, mas mababa ng 42% kumpara sa 403 kaso noong nakaraang taon.
Sa datos, 161 sa mga biktima ay 19 taong gulang pababa, at ang pangunahing sanhi ng pinsala ay unknown firecrackers, boga, at five star.
Ayon kay Nartatez, nagpapatuloy pa rin ang pagbabantay ng pulisya habang hinihintay ang pagbabalik ng mga biyahero matapos ang holiday break.
“Actually, hindi pa tapos. Meron pa tayong hinihintay na reverse travel nila sa kung saan nagde-deploy po tayo dito sa mga transportation hubs and other tourist destinations,” dagdag niya, kasabay ng pahayag na libo-libong pulis ang naka-deploy sa mga pangunahing lugar. Santi Celario