Home HOME BANNER STORY Sen. Angara itinalaga ni PBBM na bagong Deped Sec

Sen. Angara itinalaga ni PBBM na bagong Deped Sec

MANLA, Philippines- Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Martes, na itinalaga niya si Sen. Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd).

Papalitan ni Angara si Vice-President Sara Duterte na nagbitiw sa kanyang posisyon bilang Kalihim ng DepEd noong Hunyo 17, 2024.

Magiging epektibo ang pagbibitiw sa posisyon ni VP Sara sa Hulyo 19.

Inanunsyo ng Pangulo ang pagkakatalaga kay Angara sa isinagawang 17th Cabinet Meeting sa Palasyo ng Malakanyang.

Ani Pangulong Marcos, kagyat na tinanggap naman ni Angara ang naturang posisyon.

“Sonny has agreed to take on the brief of the Department of Education,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Sa kabilang dako, si Sen. Angara ay mayroong ‘extensive legislative history,’ napagtagumpayan ang mahahalagang educational reforms mula nang makasali siya sa Senado noong 2013.

Sa pagkakaroon ng Master of Laws mula Harvard University, isang Bachelor of Laws mula sa University of the Philippines, at isang Bachelor of Science in Economics mula sa London School of Economics, ang kanyang background ay akma sa posisyon bilang pinuno ng departamento.

Kabilang naman sa mga naunang legislative work ni Angara ay ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act at Enhanced Basic Education Act of 2013 (K-12).

Sa kabilang dako, nakahamig naman ng suporta si Sen. Angara mula sa mahahalagang educational organizations. Nakatanggap ang senador ng pag-edorso mula sa Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) at Philippine Association of Colleges and Universities (PACU).

Samantala, binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos ang mahalagang papel ng DepEd at ang pangangailangan para sa isang lider na may kakayahan na pangasiwaan ang ekstensibong operasyon nito.

“DepEd is arguably the most important department given the crucial role of education,” ayon sa Pangulo.

Kinilala nito ang pagbabago na mangyayari sa DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Angara.

“We have many excellent candidates,” dagdag pa ng Punong Ehekutibo.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang gobyerno kay VP Sara sa naging serbisyo nito sa DepEd.

Umaasa ang Pangulo sa ‘smooth transition’ sa liderato ni Secretary Angara. Kris Jose