Nagbigay-pugay si Senadora Camille Villar kay dating Speaker Jose de Venecia Jr., na inilarawan niyang isang “tagapagbuo ng konsenso” at lider na may mahalagang ambag sa pagpapatatag ng demokrasya sa bansa.
Ipinahayag ni Villar ang buong suporta sa resolusyong kumikilala sa buhay at mahabang panunungkulan ni de Venecia sa serbisyo publiko. Aniya, malaki ang iniwang impluwensiya ng dating Speaker hindi lamang sa Kongreso kundi sa kabuuang takbo ng pamahalaan. Bilang isa ring naging miyembro ng Mababang Kapulungan, sinabi niyang nasaksihan niya kung paano nananatiling buhay ang mga patakaran, tradisyon at pamamaraang hinubog ni de Venecia sa kasalukuyang gawain ng mga mambabatas.
“Ako’y tumatayo ng buong suporta sa resolusyon na nagbibigay-pugay sa buhay at serbisyo ni Jose de Venecia Jr., isang estadista na ang pamumuno ay nag-iwan ng malalim at pangmatagalang bakas sa pampublikong serbisyo ng Pilipinas,” ani Villar. Binigyang-diin din niya na ang naiwan nitong pamana ay hindi lang nasusukat sa dami ng batas na naipasa sa kanyang termino, kundi sa tibay ng mga demokratikong proseso at sa kulturang bukas sa pag-uusap at pagtutulungan na kanyang itinaguyod. “Si Speaker Joe de Venecia ay palaging tagapagbuo ng konsenso, isang lider na nakikinig sa kanyang mga tao at nakakahanap ng solusyon para sa lahat.”
Bilang pinakamahabang nagsilbing Speaker ng Kamara, kinilala si de Venecia bilang matatag na haligi ng lehislatura sa mga panahong masalimuot ang kalagayang pampulitika ng bansa. Kilala siya sa kakayahang paglapitin ang magkakaibang panig at maghanap ng pagkakasundo sa gitna ng bangayan. Itinulak din niya ang mga patakarang nakatuon sa mas inklusibong pag-unlad at pangmatagalang kaunlaran ng bansa. Higit pa sa paggawa ng batas, aniya, nakatulong si de Venecia sa paghubog ng isang uri ng pamumunong may prinsipyo at may paggalang sa mga institusyon ng demokrasya.
Ayon kay Villar, hanggang ngayon ay dama pa rin sa Kongreso ang impluwensiya ng dating Speaker, lalo na sa mga repormang nagpalakas sa pamamahala at sa pakikilahok ng mamamayan sa demokratikong proseso. Para sa kanya, ang pag-alala kay de Venecia ay hindi lamang pagkilala sa kanyang rekord bilang mambabatas kundi sa kanyang halimbawa ng matapat at may paninindigang paglilingkod.
Sa mas personal na tono, ibinahagi ng senadora ang kanilang ugnayan sa dating Speaker. “Para sa akin, higit pa sa isang estadista at diplomat — siya ay simpleng Tito Joe. Isang nakaka-inspire at mapag-alaga na tao sa amin mula nang maging kongresista ang aking ama noong 1992, ako ay 7 taong gulang,” saad niya.
Nagpaabot din siya ng pakikiramay sa naiwang pamilya ni de Venecia—sa kanyang asawa na si dating Pangasinan 4th District Representative Maria Georgina Vera Perez-de Venecia at sa kanilang mga anak na sina Sandra, Leslie, Vivian, Joey, Cong. Toff, Carissa at Felipe.
Nakikiisa aniya siya sa buong bansa sa paggunita sa isang lider na tumulong patatagin ang demokrasya at itaas ang antas ng serbisyo publiko. Nawa’y magsilbing inspirasyon ang iniwang halimbawa ni de Venecia sa mga kasalukuyan at susunod pang mga pinuno—na pairalin ang pakikinig, itaguyod ang pagkakaisa, at maglingkod nang may integridad at malasakit. RNT