MANILA, Philippines – Nanindigan si NBI Director Atty. Melvin Matibag na hindi ‘under attack’ at ‘under seige’ ang Senado tulad ng sinasabi ng ilang Senador matapos ang nangyaring putukan noong May 13.
Ang pahayag ni Matibag ay tugon sa pahayag ng magkapatid na Senator Allan at Pia Cayetano na inaatake ang Senado nang mangyari ang insidente.
Iginiit ng opisyal ang tungkulin ng ahensya nang hilingin ni GSIS General Manager Wick Veloso na i-secure ang daanan na nag-uugnay sa GSIS promises at sa Senate building para na rin sa seguridad ng mga kawani.
Sinagot din ni Matibag ang katanungan kung bakit sa NBI humingi ng tulong ang GSIS at hindi sa PNP.
Ayon kay Matibag bilang law enforcement agency at hiningan ng tulong –hindi sila pwedeng tumanggi.
Idinagdag pa na ayon aniya kay GM Veloso ay mas pamilyar na ang NBI sa Senado at bilang kaibigan, ang NBI ang agad na naisip ni Veloso na mag secure sa primises ng GSIS.
Nilinaw din ni Matibag na hindi ang tauhan ng NBI ang nagbarena sa lagusan o pagitan ng Senado at GSIS.
Katunayan aniya, pagdating ng NBI sa lugar ay naabutan na ang mga tauhan ng GSIS na nagbabarena. Jocelyn Tabangcura-Domenden