MANILA, Philippines – Itutuloy nina Senador Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian ang imbestigasyon ng Senado sa nilusob na Philippine Offshore Gaming Operator hubs sa Bamban, Tarlac kahit nagdeklara ng total ban ang pamahalaan.
Inihayag ito nina Hontiveros at Gatchalian sa magkahiwalay na statement matapos ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes ni Pangulong Marcos.
“Our Senate hearings will continue to demand accountability. We will also continue to ensure that we strengthen policies that would prevent industries like POGOs from ever emerging again,” ayon kay Hontiveros.
Sinabi naman ni Gatchalian na itutuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mastermind ng POGO operations.
“Itutuloy namin para mahanap ‘yung mga mastermind nitong POGO, at, of course, bibigyang pansin din namin ‘yung ating mga kababayan na nagtatrabaho sa POGO. May mga 20,000 na directly nagtatrabaho sa POGO at hindi namin sila papabayaan. Sisiguraduhin natin na maalagaan sila,” ayon kay Gatchalian.
Inamin nina Hontiveros at Gatchalian na hindi sila matamang nakinig sa unang bahagi ng speech ni Marcos dahil walang binabanggit hinggil sa POGO.
Pero, nagulat sila nang ideklara ang total ban sa huling bahagi ng SONA na itinuring na “grand finale.”
“Nakaramdam talaga ako na malaking tagumpay ito sa mga babae at bata na nagsumbong, sa mga whistleblower ng nagsumbong. Ito’y importanteng tagumpay para sa mamamayan lalo na kung sa agenda ng kababaihan at mga bata at pati sa agenda ng pagrespeto ng lahat ng ating mga Pilipino pati ng mga dayuhan sa batas ng ating republika,” ayon kay Hontiveros.
“Nasa grand finale pala ‘yung pagba-ban ng POGO… Masayang-masaya ako. Nakakaluha, nakakatuwa. Ito ‘yung masasabi natin na magbibigay ng katahimikan at kaayusan sa ating bansa,” giit ni Gatchalian.
Dahil dito, muling iginiit ni Gatchalian ang panukalang hatiin ang regulatory at operational functions ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
“Ito rin ay patunay din na ang conflict of interest ng PAGCOR ay sumira sa ating bansa… Ihiwalay ang regulatory at operation function ng PAGCOR. Hindi talaga pwedeng ipagsama dahil naapektuhan ‘yung paghihigpit at pinababayaan na lang ang mga ganitong sindikato na nag-ooperate sa ating bansa,” giit ng senador.
Samantala, nakatakdang ikonsulta ni Gatchalian sa miyembro ng komite kung kailangan pang ipasa ang panukala laban sa POGOs.
“Pag-uusapan namin sa committee kung itutuloy pa o hindi dahil nga may pronouncement na ang Pangulo. Pero alam naman natin kapag nagpalit ng Pangulo baka magbago uli. So pag-aaralan namin kung itutuloy pa ang POGO bill,” ani Gatchalian.
Kinilala naman ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pagkilos nina Hontiveros at Gatchalian hinggil sa POGO issue.
Iniimbestigahan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality ang nilusob na POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
Natuklasan sa pagdinig ang isyu ng pekeng birth certificates, identity thefts, at money laundering schemes, at iba pa.
Kasabay nito, pinuri naman ng ilang kasalukuyan at dating senador ang total ban sa POGO na magbibigay katahimikan sa bansa laban sa kriminalidad na ikinakalat ng organisasyon sa ating lipunan.
Sa magkahiwalay na pahayag, lubhang ikinatuwa ni Senador Grace Poe at dating Senador Bam Aquino ang total ban sa POGO.
“Unang-una ‘yung kanyang speech nga, sabi ko ay binigyan niya tayo ng pag-asa sapagkat mukhang pinakikinggan talaga ng ating Pangulo ang ating hinanaing. Unang-una pinag-usapan niya ‘yung taas ng presyo ng bilihin, sektor ng agrikultura, kung sino na ang napamahagian ng tulong ng gobyerno, pinag-usapan din nya ang edukasyon, imprastraktura, pero higit sa lahat ang ating teritoryo at ating pinaninindigan kung ano ang atin at siyempre, ‘yun pinakamasaya kami, ‘yung iba-ban na ang POGO. Sapagkat ‘yung POGO ay nagiging pugad ng krimen at kriminalidad. Ngayon ang Pangulo nagkaroon ng political will na ikumpara sa mga nakaraan. Ngayon sinabi niya na i-ban na ang POGO nitong December,” ayon kay Poe.
Pinuri din ni Aquino ang administrasyon sa total ban sa POGO sa pagsasabing tama ang desisyon sa ganitong aspeto.
“Tama ang desisyong ito ng Pangulo. Parang sakit na kumakalat sa lipunan ang pagdami ng POGO sa bansa, oras na para pigilan ang pagdami nito bago tuluyang malugmok ang Pilipinas” ayon kay Aquino.
Pinasalamatan din ni Aquino si Hontiveros na nanguna sa paglalantad ng illegal operation ng POGO sa bansa sa pagsasabing dapat magpasalamat ang taumbayan sa kanya sa pangangalaga sa ating lipunan. Ernie Reyes