MANILA, Philippines – Pormal nang binuksan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang imbestigasyon sa lumalalang agricultural smuggling na may layunin na Panagutin ang smuggler at profiteers na patuloy na nagpapalumpo sa magsasaka.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, chairman ng Senate committee on agriculture and food security na nanganganib ang food security ng bansa sa patuloy na pagbabalewala sa implementasyon ng anti-agricultural smuggling law at pinatitingkad ang criminal networks nila na kumita na nagpapahirap sa bansa.
Pinangunahan ng senador ang ikalawang public hearing ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform kasama ang Committees on Ways and Means and Finance nitong Lunes, September 1.
Inihalintulad ni Pangilinan ang problem sa maanomalyang flood control projects sa matagal nang problema sa agriculture smuggling.
“Maraming pagka-halintulad ang paulit-ulit na pagbaha dito sa Metro Manila at ang krisis sa pagkain,” he said. “Bukod sa nakaugat sa pangungurakot at kawalang-hustisya, ang pagbaha at ang krisis sa pagkain ang sobrang nagpapahirap sa karaniwang Pilipino,” aniya.
“Karaniwang Pilipino na humihiling lamang ng ligtas na mga kalye, patas na presyo, at pagkaing abot kamay sa mesa,” dagdag ng senador.
Sinabi ni Pangilinan na kung patuloy na papayagan ang mga tiwaling rice traders at smugglers na magdikta ng halaga ng pagkain sanhi ng talamak na price manipulation, hoarding, profiteering, at unfair trade practices, patuloy na maghihirap ang Filipino sa mataas na halaga ng pagkain at mananatiling mahihirap ang ating magsasaka.
“Kapag binaha ng mga smuggler ang ating mga pamilihan ng mga mura at hindi nabubuwisan at hindi fit for consumption na mga kalakal, hindi lang nila sinisira ang kabuhayan ng mga magsasaka,” giit ni Pangilinan. “Sinasabotahe rin nila ang pambansang seguridad, inuubos ang kaban ng gobyerno, at lalong nawawalan ng tiwala ang mamamayan sa estado.”






